KAWIT, CAVITE – Bilang pagkilala sa kahalagahan ng mahusay na pamumuno at pagoorganisa sa ikatatagumpay ng isang programa, nagsagawa ng Basic Facilitation Skills ang Department of Social Welfare and Development MIMAROPA para sa mga lider at miyembro ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI).
Ang KALIPI ay pambansang pederasyon ng mga organisasyong pumoprotekta at nagsusulong sa karapatan at adbokasiya ng mga kababaihan na naitatag taong 1990 sa ilalim ng Bureau of Women’s Welfare ng Department of Social Welfare and Development.
Katuwang ang komunidad at lokal na pamahalaan, tinutulungan ng KALIPI ang mga kababaihan lalong lalo na ang mga kabilang sa mahihirap na sektor, nasa laylayan na lipunan at nasa mapaghamong sitwasyon na matugunan ang kanilang mga pangangailangan, maiwasan o makawala sa kalupitan, matulungang makahanap ng hanapbuhay at maiangat ang kabuuang antas ng kanilang pamumuhay.
“Bilang modelo ng komunidad at mga kababaihan, mahalagang magkaroon ng kaalaman at kakayanan ang mga lider ng KALIPI sa pag-oorganisa at iba pang skills training. Malaki ang responsibilidad na kanilang gagampanan sa ikatatagumpay ng programa,” ayon kay Josephine Macalagay, Social Techology Unit Head.
Sa Training on Basic Facilitation Skills, pinaigting ang kalaaman at kakayanan ng mga kasapi sa mga sumusunod: 1) Leadership Skills; 2) Principles of Meeting and Facilitation; at 3) Organizational Communication.
“Sinigurado naming mahasa ang leadership, facilitation at communication skills ng mga KALIPI dahil ito ang mga pangunahing sangkap ng isang magaling na lider,” dagdag pa ni Macalagay.
Upang suportahan naman ang pinansyal at pang-ekonomiyang pangangailangan ng KALIPI, ang bawat samahan nila ay lumalapit sa mga ibat ibang “agencies” upang mag resource generation para sa kanilang mga proyekto sa pamamagitan ng proposals.
“Ang pagkakapit-bisig ng bawat miyembro ng KALIPI at iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay mahalaga upang higit na maprotektahan at masuportahan ang adbokasiya natin para sa mga kababaihan. Maraming salamat sa inyo! Patuloy nating pagibayuhin ang ating laban para sa kababaihan,” pagtatapos ni Macalagay. ###