Siya si Rollie De Castro, 19 taong gulang mula sa Calapan, Oriental Mindoro. Isa siya sa mga mapalad na napiling maging iskolar ng DSWD sa ilalim ng programa nito na Sustainable Livelihood Program o SLP. Napili niya ang kursong bokasyonal na Welding at kamakailan lamang ay matagumpay niya itong natapos.
Si Rollie ay ika-apat sa anim na magkakapatid na tubong Calapan. Ang kanyang ama ay dating welder sa Saudi Arabia na ngayon ay nakabili na ng sarili niyang tricycle. Ang kanyang ina naman ay butihing maybahay.
Aminado si Rollie na ang pamilya nila ay maibibilang sa mga pinakamahihirap sa bansa, kaya naman bata pa lamang ito ay pinangarap na niyang makatulong sa mga magulang. Habang lumalaki, nakita ni Rollie kung paano nagpursigi ang kanyang mga magulang na maigapang ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Ngunit sa laki ng kanilang pamilya, madalas ay hindi pa rin sumasapat ang sweldo ng kanyang ama. Kaya naman, labis ang pasasalamat ng kanyang ina nang mapabilang bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD.
Laking tuwa din ni Rollie at ng kanyang pamilya nang maging iskolar siya sa kursong Civil Engineering. “Sa dami po naming magkakapatid, hirap po si mama at papa na pag-aralin kaming lahat ng sabay-sabay. Tapos po ako ng first year college noong iskolar ako ni Mayor. Pero napatigil dahil napabarkada, naimpluwensyahan po ng hindi maganda”, daddag ni Rollie. Madalas ay lumiliban siya sa klase at hindi din nakakadalo sa mga araw ng pagsusulit. Dahil dito, napagpasyahan niya at ng kanyang mga magulang na tumigil muna sa pag-aaral at sa halip ay ilaan ang pera para sa iba pa niyang kapatid.
Hindi naging madali para kay Rollie na mapag-iwanan ng kanyang mga kaibigan at kaklase. Marami sa mga ito ay nasa ika-apat na taon na sa kolehiyo at magsisipagtapos na sa kursong napili. Hindi niya maiwasan na makaramdam ng pagsisisi sa naging desisyon nito noon.
Ngunit sa kabila ng lahat ng nangyari, pursigido pa din ito na matulungan ang mga magulang kaya naman humanap ito ng paraan upang makabawi. Mula sa isang empleyado ng DSWD, nalaman niya na mayroong proyekto ang SLP para sa mga nagnanais matuto ng bagong kasanayan. “Pinapunta po ako sa city hall para daw magpasa ng requirements pero hindi ako nakaabot kaya inabangan ko na lang ‘yung susunod na batch pagkatapos ng isang taon. Awa naman po ng Diyos ay nakapasok ako,” salaysay ni Rollie.
Nagsimulang magsanay si Rollie sa kursong welding noong ika-6 ng Hulyo 2017. “Masaya po dahil natututo kami ng bagong kaalaman. Nakakapagod tsaka masakit sa mata pero hindi naman kasi maiiwasan dito sa trabaho namin”,aniya Rollie. Sa kabila nito, nagpupursigi pa rin siya na matapos ito dahil alam niyang ito ang daan upang makahanap ng magandang trabaho kung saan kikita siya ng malaki at makakatulong sa kanyang pamilya. Sa katunayan, siya ang napiling lider ng kanilang grupo habang ito ay nasa training.
Laking pasasalamat niya na naging bahagi ng programang tumutulong sa mga tulad niyang gustong iangat ang antas ng pamumuhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bagong kasanayan.
Lubos ang pasasalamat ni Rollie sa lahat ng institusyon na umalalay at hindi siya iniwan hanggang sa huli upang maging bahagi siya ng programang ito kabilang na ang DSWD, Southwestern College of Maritime, Business, and Technology, at TESDA na nagtulong-tulong upang maihatid ang programang pangkabuhayang ito sa ilalim ng SLP. Payo ni Rollie sa mga kabataang tulad niya na naligaw ng landas, “Matuto kayong tumayo mula sa pagkakadapa. Iwan niyo sa nakaraan ‘yung mga kamaliang nagawa niyo at magpursigi para magsimula ng panibagong buhay. Maging bukas lang palagi sa mga oportunidad. Maraming tao ang nandyan para tumulong sa inyo.”