MAKATI City- Pinangunahan ng Listahanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA ang isang dayalogo na dinaluhan ng ibat ibang representante ng mga  lokal na pamahalaan mula sa mga probinsya ng Mindoro, Marinduque at Romblon ngayong araw dito sa nasabing lungsod.

Layunin ng nasabing dayalogo na hikayatin ang mga kalahok upang pumasok sa isang kasundaan sa pagitan ng DSWD  at ng lokal na pamahalaan para maging kaisa sa pagsugpo ng kahirapan partikular na sa MIMAROPA.

Kabilang sa mga dumalo ang ilang mayor, local social welfare and development officers at local planning and development coordinators.

Ayon kay DSWD Regional Director Wilma D. Naviamos,  gamit ang Listahanan database mas mapapabilis ang pagkilala at pagtukoy sa mga benepisyaryo ng iba’t ibang programang panlipunan ng nasyonal at lokal na pamahalaan

Nakatakda naman ang susunod na dayalogo para sa probinsya ng Palawan sa ikalawang linggo sa susunod na buwan na gaganapin sa lungsod ng Puerto Princesa.

Ang Listahanan ay isang pamamaraan ng pamahalaan para tukuyin at kilalanin kung sinu-sino at nasaan ang mga mahihirap sa bansa. Ayon sa pinakahuling datos nito, umabot sa 207,863 o 36.5 percent ng mga sambahayan sa buong rehiyon ang natukoy na mahihirap.###

Loading