TAYTAY, PALAWAN –Upang suportahan ang layunin ng Sustainable Livelihood Program (SLP) na maitaas ang antas ng kakayanan ng mga kalahok sa pamamagitan ng pagsasanay, matagumpay na nagsipagtapos ang 300 na iskolar sa ilalim ng iba’t ibang kursong bokasyonal noong ika-2 ng Oktubre 2017 sa Taytay, Palawan.

Kaagapay ang San Brendan College, nagtapos ang mga kalahok sa mga sumusunod na kursong bokasyonal:

  • Shielded Metal Arc Welding NC II
  • Electrical Installation and Maintenance NC II
  • Tile Setting NC II
  • Plumbing NC II
  • Masonry NC II
  • Automotive Servicing NC II
  • Carpentry NC II
  • Cookery NC II
  • Refrigeration and Airconditioning NC II

“We are not competing with educational institutions, rather we are providing opportunities for disadvantaged community constituents so they can have access to job opportunities,” ani Ginoong Domingo V. Agra, SLP Regional Program Coordinator.

Marami sa mga kalahok ay sumali sa programa upang madagdagan pa ang kaalaman sa kasalukuyang trabaho. “Nagluluto na po talaga ako. Malaking tulong ang training na ito para mag-level up sa trabaho. Pangarap ko po talagang magtrabaho sa hotel kaya lumaki ang chance ko na makapasok dahil nadagdagan ang kaalaman at kasanayan ko,” Roselyn S. Elocat, nagtapos ng Cookery NC II.

“Dapat nating ilabas ang ating nalalaman. Ako may edad na ako pero gusto ko pa din matuto. Nahasa ko pa lalo ang kasanayan ko sa trabaho at dahil sa trabaho ko ay napagtapos ko ang aking mga anak,” ani Jim Molid, nagtapos ng Refrigeration and Airconditioning NC II.

Bukod sa pagbibigay ng libreng pagsasanay, ang Department of Social Welfare and Development ay patuloy na gagabay sa mga kalahok hanggang sila ay magkaroon ng trabaho.

 

 

 

Loading