Siya si Rey Mendoza, 38 taong gulang mula sa Barangay Rosacara, Bansud, Oriental Mindoro. Siya ay miyembro ng SEA-K sa loob ng walong buwan sa pag-asang maiaangat ang buhay katulong ang kanyang maybahay na si Mary Joy Mendoza na 28 taong gulang. Mayroon silang tatlong anak, dalawang lalaki at isang babae na sa kasalukuyan ay nag-aaral sa mababang paaralan ng Barangay Rosacara.

“Mula sa simple at mahirap na buhay, malaki ang naging katulungan ng mga programa ng DSWD sa aming pamilya. Una ay ang Pantawid Pamilya Program na kung saan isa sa aking mga anak ang naging benepisyaryo nito na tumutulong upang ito ay aming mapag-aral. At bilang isa ding benepisyaryo ng Pantawid Pamilya, naging prayoridad ako ng Sustainable Livelihood Program, ang bagong programa na itinalaga ng DSWD para kami ay bigyan ng kapasidad na mapaunlad ang aming pamumuhay at mapalawak ang iba pa naming mga kakayahan,” ani Mang Rey.

Si Mang Rey ay isa sa dalawampu’t limang miyembro ng SEA-K sa kanilang barangay at naatasang maging Chairman ng kanilang grupo na nabigyan ng pagkakataong makahiram ng puhunan na nagkakahalaga ng siyam na libong piso (9,000.00) upang gamitin sa kanyang maliit na tubigan.   “Ngunit ang perang tinanggap ko ay inilaan at ginamit ko sa pagbili ng 7 biik. Dito ko pinagkasya ang pera dahil huli na naming natanggap o dumating ang pera para sa aking proposal na pagbili ng abono sa tubigan,” wika niya.

Sa mga nakalipas na buwan, katulong niya ang kanyang asawa sa pagpapakain at pagpapaligo ng mga hayop at iba pa nilang pinagkukunan ng kabuhayan gaya ng maliit nilang sagingan. “Yung mga gastusin sa araw-araw na pagkain ng mga alagang baboy lalo ngayon ang mahal ng mga bilihin at iyong ibang pangangailangan pa namin sa loob at labas ng bahay ay hindi madali. Kami ay nahirapan pero nakakaya din gawan ng paraan kahit papano. May maliit kaming sagingan kung saan doon namin kinukuha ang iba pang pangangailangan. Isang malaking tulong talaga ang SEA-K sa amin dahil natuto kaming magbudget ng pera at nakakapag-ipon na kami ngayon,” tugon ni Rey at Mary Joy.

“Noong mga panahon na wala pa ang SEA-K, malaki ang pagkakaiba ng buhay namin noon. Mahirap talaga. Sa ngayon ay masasabi ko sigurong sapat na ang isa sa mga tulong na natanggap namin mula sa programa ng SLP dahil nagkaroon kami ng panibagong negosyo at dagdag na mapagkakakitaan dahil dati sa tubigan lang at maliit na sagingan. Plano naming ipagpatuloy at palaguin ang kasalukuyan naming hanapbuhay”, dagdag pa ng mag-asawa. Sa halagang 9,000.00 na puhunang ipinahiram sa kanya, siya ay may lingguhan ng savings na nagkakahalaga ng 126.00 at balik-kapital na 2,880.00 tuwing ika-apat na buwan.

Nitong nakaraang mga buwan ay naibenta niya ang kanyang alagang baboy kung saan nag-iwan lamang siya ng isa upang gawing inahin upang mapanatili ang kanilang proyekto. Ang pinagbentahan ay ibinili niya muli ng walong biik na siya naman ulit nilang aalagaan. Sa kasalukuyan, sila ay nagkaroon ng kita na nagkakahalaga ng anim na libo (6,000.00) kada buwan. “Gamitin ng maayos para sa negosyo at ayon sa sariling kakayahan ang pera na ipinahiram at hindi ginagastos sa kung saan,” wika ni Mary Joy. Maliban dito, nakapagtayo din ng maliit na tindahan ang mag-asawa na isa pa sa mga pinagkukunan nila ng panggastos sa araw-araw.

Loading