Bawat tao ay pinapangarap na mabigyan ng maginhawang pamumuhay ang kanyang sariling pamilya. Para sa mga naninirahan sa malalayong probinsya, lakas ng loob at pagpupursigi ang tanging pinanghahawakan upang makamtan ang pangarap na ito.

Si Dalmacio Rey Rivera, 54 na taong gulang, at ang kanyang maybahay na si Ma. Evy Rivera, 51 taong gulang, ay mga residente ng Brgy. Taguilos, Cajidiocan, Romblon. Biniyayaan sila ng apat na anak na sina Eduardo, Francis, Daniel, at Dennis.

Bago mapasali sa Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development noong taong 2017, si Dalmacio ay naghahanapbuhay bilang isang mangingisda.

Napili niya na magkaroon ng marine engine, isang makinang nagtutulak sa bangka o iba pang sasakyang pandagat, sapagkat mayroon na siyang bangkang pampalaot. Ang prokyetong ito ay napondohan sa ilalim ng Seed Capital Fund na nagkakahalag ng PHP 14,200.00.

Ang makinang ito ay inihandog sa kanya noong 2017 at agad namang ikinabit sa kanyang bangka. “Kahit gusto naming mangisda sa malayo dahil mas maraming huli doon, hindi kakayanin ng bangka ko. Masyadong maliit. Minsan ang ginagawa ko eh sinusundan ko yung mas malalaking bangka para makilagay ng mga huli,” salaysay ni Dalmacio.

Kung ang ibang mangingisda ay gumagamit ng langis na krudo, si Dalmacio ay bumili ng carburetor, isang tubo na ginagamit upang maghalo ang hangin at gatong sa makina. Sa paraang ito, nakatitipid siya ng PHP 700.00 bawat byahe kumpara sa paggamit ng krudo. Dito makikita na ang isa pang magandang puhunan bukod sa pera ay ang kakayahan na maging maparaan. Dahil isa nang ganap na bangkang de-motor ang bangkang papalaot ni Dalmacio, kumikita siya ng PHP 3000.00 hanggang PHP 5000.00 bawat byahe.

Ayon kay Evy, kumikita sila ng PHP 40,000.00 kada buwan dahil nakakapangisda na sila dalawang beses kada linggo. “Gusto namin ipaabot ang aming pasasalamat sa gobyerno dahil tinulungan nila kami. Isang beses lang sa buong linggo kami nakakapangisda noon pero ngayon na may makina na ang bangka namin eh naging dalawang beses na,” aniya Evy.

Mas lalong naging matatag ang kanyang paniniwala na ang lahat ng pagsisikap ng isang tao ay may magandang ibubunga. Sa kasalukuyan ay pinag-iipunan ng pamilya ang pagbili ng panibagong bangkang de-motor upang mas lumago ang kanilang kabuhayan. ###

Contributor:

Francis Salas, Project Development Officer II, Romblon

Loading