Si Hossana Brigole Vargas, 40, ang presidente ng Palbong Farmers Association sa Brgy. Batong Buhay, Sablayan, Occidental Mindoro. Ang asosasyon ay sumali noong 2015 at naaprubahan noong 2017. Sa kasalukuyan, si Hossana ay nakaka-apat na cycle na ng pagtatanim simula nang maging miyembro ng Sustainable Livelihood Program.
Noong unang cycle, ginamit ni Hossana ang puhunan na Php 10,000 na Seed Capital Fund sa pagbili ng abono at iba pang kagamitan sa kanyang bukid. Nang dumating ang ikalawang cycle, naisipan niya na dagdagan ang pinagkakakitaan kaya naman nagpasya itong bumili ng mga biik na aalagaan. Dito naranasan ni Hossana ang pinakamabigat na hamon sa kanya bilang isang magsasaka. “Noong 2nd cycle, bale hinati ko ‘yung puhunan ko. Kalahati sa maisan na dalawang ektarya at kalahati sa babuyan,” panimulang salaysay ni Hossana.
“Kung kailan pagulang na ‘yung mga mais, na malaki na siya, inatake siya ng mga daga, ng mga peste sa loob lang ng dalawang gabi. Kinain talaga mula tuktok hanggang dulo. Pagpunta namin doon noong unang araw, konti lang yung bawas. Noong pangalawang araw, as in totally inubos ng daga. Kinain lahat. Walang itinira. 15 days na lang aanihin na sana. Wala talaga kaming napakinabangan,” kwento niya.
“Noong time na ‘yun, nanghina ako syempre bilang tao. Muntik na ako magpakamatay. Buti na lang ‘nung iinom na sana ako ng lason, buti na lang naramdaman ng mister ko. Kaya ayun umiyak ako humihingi na lang ako ng panalangin. Sabi ko ipag-pray mo ako. Hindi ko kaya ‘to. Kasi ang laki ng gastos namin doon nasa Php 70,000 tapos ganun ganun na lang. Dalawang gabi lang tapos inubos na ng mga pesteng daga,” hinagpis ni Hossana.
“Pero salamat sa Diyos dahil mayroon din namang pambawi. Yung mga baboy na inalagaan ko, iyon ‘yung naging daan para makabawi ako sa mga utang ko sa mais tsaka at the same time ‘yung utang ko sa SLP,” dagdag niya. Mula sa kinita sa SLP, napalago na ni Hossana ang kanyang bukid at babuyan. Nakapagpundar na din silang mag-asawa ng sariling welding machine kung saan tumatanggap na ng kontrata ang asawa.
BIlib din si Hossana sa kapwa mga miyembro niya na nakapagpundar na din ng kani-kanilang kagamitan at hanapbuhay. Masaya din siya na nabayaran na nila ang paunang utang sa SLP noong ikalawang cycle pa lamang. “Gusto naming patunayan na ang mga taga-Palbong ay hindi lang magaling mangutang. Ang panimulang tulong ng gobyerno ay ginamit talaga namin upang umangat ang buhay,” ani Hossana.
Masasabi din niya na ang asosasyon ay handang tumulong sa kapwang nangangailangan. “Ang project ng SLP, hindi lang kami ang natulungan niyan. Nakatulong din sa labas na hindi miyembro. Minsan may isusugod sa ospital dito sa amin pero walang pera pambili ng krudo ng sasakyan. Eh gabi na noon. Nakahiram agad siya sa amin at naitakbo agad sa ospital noong gabing iyon din ‘yung may sakit,” kwento ni Hossana.
Bilang miyembro naman ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, hindi din niya nakakalimutan ang responsibilidad sa programa. Nakatatak at isinasabuhay niya ang mga natutunan sa Family Development Session. Ayon sa kanya, “Yung unang pinapangalagaan ko, bilang ako ay Parent Leader, ayoko na ako ang kakitaan nila na leader na hindi nagbabayad. Ayoko isipin nila na kapag bumagsak ka, magiging dahilan iyon para hindi ka makapagbayad. Kaya sinikap ko na maibalik kung ano man yung mga inutang ko. At ganun din ang lagi kong sinasabi sa mga members ko. Marami ding mga members na nasira yung mga tanim tulad nung isa. Pambayad niya sana sa utang niya sa asosasyon pero nasira din ng peste. Pero lagi ko lang sinasabi sa kanila na huwag niyo isipin na hindi niyo kaya. Kaya niyo ‘yan. Naumpisahan natin ito kaya matatapos natin ito na tagumpay. Walang talunan.”
Patuloy din ang pagbibigay-inspirasyon ni Hossana sa mga kapwa magsasaka na nakararanas din ng mga pagsubok. “Bilang magsasaka, kapag magsasaka ka kasi, para kang laging tumataya sa sugal. Hindi mo alam kung mananalo ka. Ang laki ng pinupusta mo, pero hindi mo sure kung mananalo ka. Pero bilang kaming mag-asawa ay magsasaka, ang masasabi ko lang ay fight fight lang! Laban lang ng laban! Kasi hindi naman laging talunan. Darating din naman na maganda din ‘yung ating ani. Hindi tayo papabayaan ng Diyos,” ani niya. Sa kasalukuyan, patuloy ang paglago ng hanapbuhay ni Hossana at ng ibang kasamahan niya sa asosasyon. ###