Sa bayan ng Torrijos sa Marinduque ay payak na naninirahan ang pamilya ni Aida Rogelio. Si Aida, 52 taong gulang, ay mayroong limang anak sa asawang si Angelito, 57 taong gulang. Ang kanyang pamilya ay kasama sa bilang ng mga maituturing na mahihirap sa probinsya ng Marinduque. Si Aida ay mayroong kondisyon na tinatawag na orthopedic disability o kapansanan sa buto dulot ng pagkahulog sa tulay noong taong 2006 na nagresulta sa isang seryosong operasyon. Si Angelito naman ay mayroon Retrograde Amnesia o pagkawala ng memorya sa mga pangyayaring naganap na dulot ng stroke noong 2014.
Sa kalagayan ng kalusugan ng mag-asawa, hindi maikakaila na nakararanas ng labis na kahirapan ang pamilya. Dagdag pa sa gastusin ng pamilya ang gamot. Wala ng kakayahan si Angelito na maghanapbuhay kung kaya’t si Aida na ang tumayong haligi ng tahanan. Bagama’t mayroon ding iniindang kapansanan, hindi ito naging hadlang upang makapagbanat ng buto ang masigasig na ina. Siya ay nagtatrabaho bilang kasambahay, labandera, magsasaka, at tagapag-alaga ng hayop na ibebenta sa palengke. “Palagi na sumasakit yung opera ko sa hips. Nung nagpadoktor ako, kelangan ko na daw ulit magpaopera. Pero sabi ko sa sarili ko e nakakalakad pa naman ako kaya dinidisregard ko na lang ang sakit hangga’t kaya pa namang tiisin. Yung pera imbis na sa gamot e sa pag-aaral na lang ng mga anak ko. Sila talaga ang priority ko,” ani Aida.
Simula nang magkasakit si Angelito, nagkaroon ng malaking pagbabago sa pag-uugali nito. “Pag galit yan, hindi mo talaga mapigilan. Lahat damay. Nung nagkasakit, naging sobrang tigas ng ulo. Nakukuha pang mag-bisyo, mag-inom at manigarilyo kahit na bawal sa kanya,” kwento ni Aida. “Nagpapakahirap ako magtrabaho, lahat ng pwede pasukin na trabaho sinusubukan ko para lang makaipon ng pampagamot sa kanya tapos ipangbibisyo lang. Basta ngayon, ang mga anak ko talaga ang priority ko. Kung ano kailangan nila dapat maibigay ko,” dagdag niya.
Katuwang ni Aida sa paghahanapbuhay ang kanyang panganay na anak na si Gizelle, 23 taong gulang, nagtatrabaho bilang production operator sa Maynila. Ang ikalawa naman na si Ghieanamae, isang Expanded Students’ Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGPPA) scholar ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, ay graduating student sa kursong Education. Ang tatlong anak na sina Gladys, Ghielyn, at Gellian ay nasa ika-labindalawa, ika-siyam, at ika-anim na baitang. Ang lahat ng kanyang mga anak ay kanyang itinataguyod na makatapos ng pag aaral sapagkat naniniwala siya na ito ang daan upang magkaroon sila ng maayos na buhay. “Ayoko na maranasan ng mga magiging apo ko ang kahirapan na dinanas ng mga anak ko kaya ako nagsusumikap na mapagtapos sila,” sambit niya.
Lubos naman ang paghanga ng kanyang mga anak sa kanya dahil sa kabila ng kanyang kapansanan, naitataguyod pa din niya ang kanyang malaking pamilya. Nagpapasalamat din ang mga kapatid ni Aida sapagkat nagkaroon sila ng ate na tumatayong ama’t ina sa kanila. Ayon sa kanyang kapatid, inuuwi pa ni Aida ang kanyang pagkain mula sa dinaluhang training upang ibigay sa kanilang magkakapatid.
Si Aida ang tumatayong sekretarya ng Magandang Buhay SLP Association sa ilalim ng proyektong Chicken Broiler Production na nagsimula noong Marso 2018. “Masaya ako na makita na nagagamit sa dapat paglaanan ang pondong ibinigay sa akin ng SLP. Meron kasing iba dyan na sa tindi ng pangangailangan ay ginagamit sa ibang bagay. Ang mapapayo ko sa mga kasapi ng asosasyon, pilitin niyo na maging productive ang proyekto na mayroon kayo kasi doon kayo kikita,” ani Aida.
Bukod sa posisyon sa nabanggit na SLPA, si Aida ay nagsisilbi ring Barangay Focal Person para sa mga Persons With Disabilities (PWD), Public Information Officer ng Municipal Federation for PWD, at auditor ng Farmers Association. Siya din ay dating Parent Leader ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at KALAHI volunteer. “Sa kabila ng kapansanan at kahirapan, hindi dapat sumuko sa buhay sapagkat kung tayo ay nagsisikap ay may matatamo tayong tagumpay. Nandyan ang Panginoon upang sa atin ay gumabay,” ani niya. Ang mga katagang ito ang pinanghahawakan ni Aida upang magsumikap at mapagtagumpayan ang hamon ng buhay. ###
Contributor:
Fatima Concepcion Pelaez, Project Development Officer II, Marinduque