Sa kabila ng lahat ng hamon sa buhay na kanyang pinagdaanan, si Mercedita Oracion ay masasabing isang huwaran at ehemplo sa mga kababaihan upang magkaroon ng positibong pananaw sa buhay. Si Ditas, 43 taong gulang, may asawa, ay lakas-loob na itinataguyod ang kanyang anim na anak.

Taong 2011 nang magsimula ang kalbaryo ni Ditas dulot ng pagkakasakit ni Anulfo, ang kanyang katuwang sa buhay. Ang sakit na diabetes ni Anulfo ay nagkaroon pa ng ibang komplikasyon na gout na nagresulta sa kanyang pagkalumpo. Lubos na naapektuhan ang pamilya Oracion sapagkat hindi na kaya pang maghanapbuhay ng kanilang haligi ng tahanan.

Simula noon, si Ditas at ang kanyang panganay na anak na nakapagtapos sa kolehiyo, ang magkatuwang na nagtaguyod sa kanilang pamilya. Kahit anong maaaring pagkakitaan ay kanyang tinatanggap magkaroon lamang ng pantustos sa pang-araw araw na gastusin ng pamilya.

Dumagdag pa sa kanyang pasanin ang problema ng kanyang anak sa habitwal na pangingialam at pagkuha ng gamit sa iba. Ilang mga kamag-anak na ang nawalan ng gamit dahil sa kanyang anak. Dahil dito, isinangguni ni Ditas sa Department of Social Welfare and Development o DSWD ang kaso ng anak. Kinupkop ng DSWD ang kanyang anak sa loob ng anim na buwan at sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho ay unti-unting nakita ang magandang dulot nito sa kanya. Ngayon ay nagtatrabaho na siya bilang laborer sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Naranasan na din niya na mawalan ng bahay dulot ng bagyo noong 2016. Walang natira sa kanilang munting tahanan. Sa kabutihang palad ng kanyang mga kapatid na nag-aruga sa kanilang pamilya ay muling nakabangon ang pamilyang Oracion. Nakatulong din ang halagang ipinagkaloob ng DSWD mula sa Emergency Shelter Assistance (ESA) Fund.

Sa kabila ng lahat ng nangyari, nabatid ni Ditas, “Kung isang katulad ko na mahina-hina sa problema ay bumigay na o iniwan na ang yung asawa. Kapit lang talaga sa taas (Diyos), palakasan lang ng loob”. Hindi naging dahilan ang mga problemang kanyang naranasan upang siya ay sumuko at mawalan ng panahon sa ibang bagay. Bagkus siya ay gumawa ng makabuluhan at aktibo pa ring nakikiisa sa mga gawaing pangkomunidad sa kanilang barangay. Sa katunayan, siya ang itinalagang Business Operations Manager sa catering service ng kanilang kooperatiba, ang Bangbangalon Consumers Cooperative. Siya ang cook at regular na nag-a-asikaso at nagsasaayos ng ilan pang mga papeles ukol sa negosyo tulad ng feeds retailing at renta ng mga gamit. Siya din ay dumadalo sa iba’t ibang pa-training ng mga ahensya tulad ng Cooperative Development Authority, Department of Trade and Industry, at Deparrtment of Agriculture. Masasabi na isa si Ditas sa nagkaroon ng malaking ambag sa natatamasang pag-unlad ng kanilang samahan ngayon.

Sa kasalukuyan ay hamon pa din sa kanya na tustusan ang gamot ng kanyang asawa na aabot ng mahigit Php 3,000.00 kada buwan. Nakakahingi din siya ng tulong sa munisipyo ng Boac subalit sa tuwing nauubusan ng pondo ay kailangan na maghanap pa ng mapagkukunan ng pera upang masuportahan ng tuloy-tuloy ang gamutan. “Laging tumawag lang sa Itaas at wag bumitaw. Kung ano mang problema ay wag masyado dibdibin, at kung kayang ihingi ng tulong sa ibang tao ay ihingi ng tulong, at sa ibang mga ahensya ng gobyerno ay may mga taong handa ding tumulong sa nangangailangan. Para mga katulad ko na dumadanas din ng mga mabibigat problema ay relax at positive lang at wag makinig sa mga masasamang sasabihing ng iba.” ###

 

Contributor:

John Paul Abaincia, Project Development Officer II, Marinduque

Loading