MALATE, Manila—Sa kabila ng banta ng COVID-19 sa bansa, pinangunahan ng mga kawani ng iba’t ibang partner conduits sa rehiyon ng MIMAROPA ang magkasunod-sunod na off-site pay-out sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps para sa emergency subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Katuwang ang mga kawani ng Department of Social Welfare and Development MIMAROPA (DSWD MIMAROPA) at lokal na pamahalaan, isinagawa ang nasabing pay-out sa mga lugar na walang sangay ang Landbank of the Philippines (LANDBANK).
Ang DSWD sa pamamagitan ng LANDBANK ay nagkaroon ng kasunduan sa iba’t ibang lokal na banko, kooperatiba, remittance center, o mga pribadong establisimyento bilang partner conduits na siyang mangangasiwa sa paghahatid ng serbisyo lalo’t higit sa mga malalayong lugar sa rehiyon.
“Isang po malaking karangalan ang makapag-serbisyo sa ating mga kakabayan na [miyembro ng] 4Ps lalo na po sa panahong may banta ng COVID-19. Nagpasasamalat din po ako [sa] DSWD at 4Ps at nabigyan din po kami pagkakataong magkaroon ng kaunti kita sa pamamagitan ng mobile ATM. [Ito ay] makatutulong sa ating pamahalaan upang madaling na maihatid ang serbisyo sa mga 4Ps beneficiaries,” ayon kay RCBC merchant Christopher Quizana.
Si Quizana ay gumamit ng sariling banka para maihatid ang pinansyal na ayuda sa mga islang barangay sa probinsya ng Marinduque.
Sinisiguro naman ng Departamento na nasusunod ang protocol ng Department of Health kaugnay sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine sa mga isinasagawang pay-out. Katuwang ang Armed Forces of the Philippines sa tulong transportasyon, Philippine National Police at Bureau of Fire Protection na siyang nangunguna sa pagpapanatili ng seguridad ng mga benepiyaryo at kawani ng partner conduits.
Samantala, ang lokal na pamahalaan ng Sablayan, Occidental Mindoro ay nagbigay ng libreng tanghalian sa mga katutubong Mangyan mula sa Barangay Paetan pagkatapos nilang makuha ang kanilang ayuda sa pamamagitan ng Point of Sale (POS) mode of payment.
Sa kasalukuyan nasa 161,661 benepisyaryo ng Pantawid Pamilya o 82.8 porsyento mula sa kabuuang bilang na 195,176 sa buong rehiyon ang nakatanggap ng emergency subsidy sa pamamagitan ng Landbank Servicing Branches at mga establisimyentong mayroong awtorisadong POS simula Abril 4, 2020. Samantala, ang mga myembro ng 4Ps na wala pang cash card/atm ay matatanggap ang kanilang ayuda sa tulong ng lokal na pamhalaan kung saan ibababa ng DSWD ang pondo.
Ang SAP ay programa ng pamahalaan na naglalayong makatulong sa pagpapagaan ng epekto sa lipunan at kabuhayan ng mga mahihirap at impormal na sektor na nawalan ng pagkakakitaan sa gitna ng ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine dahil sa COVID-19.###