Isinagawa ng DSWD MIMAROPA sa iba’t ibang lokasyon ang coaching at mentoring session para sa mga Parent Leaders ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) nitong ika-15 hanggang ika-18 ng Setyembre 2020.

Sa pangunguna ng mga Project Development Officers II, City at Municipal Links, at mga Social Welfare Assistants ng DSWD, dumalo ang humigit-kumulang limang-libong 4Ps Parent Leaders ng Regular Conditional Cash Transfer (RCCT) at Modified Conditional Cash Transfer (MCCT) partner-beneficiaries sa coaching at mentoring session.

“Ito ay isinasagawa natin upang mabigyan natin ng karagdagang kaalaman at gabay ang ating mga Parent Leaders para sa mas maayos at epektibong pagsasagawa at pagpapadaloy ng ating mga Family Development Sessions (FDS)”, ani ni Jan Veronica Arapeles, Regional FDS Focal Person.

Layunin ng coaching at mentoring session na ipaliwanag sa mga Parent Leaders ang mga mahahalagang probisyong nakapaloob sa pagkakasabatas ng 4Ps gayundin ang kung paano mas epektibong mapadadaloy ang FDS sa kaniya-kaniyang mga clusters.

Ayon naman sa isa sa mga PLs mula sa Dumaran, Palawan, sisikapin nilang maging ehemplo sa pagsunod sa mga kondisyon ng programa at ilalaan ang kanilang mga sarili upang maging mas maayos ang pagpapadaloy ng FDS sa kanilang mga clusters.

Siniguro naman ang kaligtasan ng lahat habang dumadalo sa nabanggit na gawain sa pamamagitan ng pagpapanatili ng physical distancing at pagsusuot ng face mask.

Samantala, bagama’t naantala ang coaching at mentoring session sa iba pang mga munisipyo dahil sa banta ng masamang panahon, itutuloy naman ito sa mga susunod na linggo. ###

 

Loading