Lubos ang pasasalamat ni Andres M. Arriola at ng kaniyang maybahay na si Janice dahil tuloy-tuloy pa din ang kanilang kabuhayan sa gitna ng umiiral na pandemya ngayon sa bansa.

Taong 2017 nang mapabilang si Andres sa Skills Training on Motorized Boat Assembly cum Fishnet Assembly and Repair ng Sustainable Livelihood Program sa  Brgy. Agutay, Magdiwang, Romblon. Ito ay nagbigay daan upang siya’y makakuha ng sapat na kaalaman at kapital sa kaniyang napiling kabuhayan.  Makalipas ang tatlong linggong pagsasanay, nabigyan ang mag-asawa ng mga starter kits na naglalaman ng mga materyales para sa paggawa ng bangka at lambat.

 

Sa isang araw ay higit limang kilo ng isda ang nahuhuli ni Andres kumpara sa dating dalawa hanggang apat na kilo lamang.

 

Bago maging benepisyaryo ng programa itinataguyod ni Andres ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng pamamasada ng tricycle at pangingisda gamit ang isang maliit na bangka. Sa kasalukuyan, katuwang niya si Janice at ang kanilang apat na anak na tumutulong sa pagbebenta ng mga pinatuyong isda habang hindi pa nagsisimula ang kanilang klase. Ayon kay Janice, isang malaking biyaya para sa kanilang pamilya ang maging bahagi ng programa. Dito rin niya natutunan ang kahalagahan ng pagbabadyet ng kanilang kinikita.

 

Sa tulong ng bookkeeping at tamang pagbabadyet ay nagawa ni Janice na makalikom ng puhunan para sa iba pang mapagkakakitaan.

 

Dahil sa kanilang pagsisikap, unti-unti na nilang nasimulan ang pagpapatayo ng kanilang dalawang-palapag na tahanan at nakabili ng bagong motorsiklo na pampasada para sa mga panahong malakas ang alon at hindi maaring pumalaot para mangisda. Nagagamit rin nila ito upang mag-benta ng isda sa palengke at mga karatig na lugar.

“Kasama ang aking pamilya, at sa tulong pangkabuhayan ng pamahalaan, kami ay naniniwala na sama-sama naming maabot ang aming mga pangarap basta’t may pananampalataya sa Diyos at tapang sa pagharap sa mga hamon ng buhay. ” dagdag pa ni Andres

 

Larawan ng pamilya Arriola na puno ng pagsisikap at pag-asa.

 

 

###

 

 

 

Loading