Namigay ng LISTAHANAN flyers ang mga kawani ng DSWD sa mga taga-Boac, Marinduque.

MARINDUQUE— Mas pinaigting at pinalawak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA ang kampanya nitong hikayatin at makiisa ang publiko sa isasagawang balidasyon para sa mga sambahayang naitalang mahihirap ngayong taon.

 

Bilang bahagi ng proseso ng LISTAHANAN, ang opisyal na pamamaraan para kilalanin ang mga mahihirap sa bansa, isasapubliko ang paunang talaan ng mga sambayahang lumabas na mahihirap. Ito ay naglalayong makita at masiyasat ng komunidad ang nasabing listahan.

 

 

Isinabit ng isang kawani ng LISTAHANAN ang advocacy tarpaulin sa pampublikong plaza sa bayan ng Gasan, Marinduque para ianunsyo ang isasagawang balidasyon.

Sa kasalukuyan, ang mga kawani ng DSWD ay nagsasagawa ng malawakang information campaign gaya ng pagpapaskil ng tarpaulin sa mga pampublikong lugar, pamamahagi ng flyers, pagdidikit ng sticker sa mga pampublikong sasakyan at ang pag-ere ng radio plug sa mga piling lugar sa MIMAROPA. Ang mga nasabing materyales ay naglalaman ng impormasyon para ipaabot sa publiko ang proseso sa isasagawang balidasyon.

 

Samantalang inaasahang ipapaskil ng mga kawani ng DSWD LISTAHANAN ang paunang talaan ng mahihirap sa mga barangay hall sa mga probinsya ng Marinduque at Romblon ngayong darating na linggo.

 

Sa panahon ng balidasyon, maaring maghain ng reklamo ang mga sambahayang hindi nainterbyu noong 2019 at ang mga naniniwalang mahirap subalit wala sa talaan ng mahihirap.###

Loading