Dumagsa ang mga residente sa isang barangay sa bayan ng Calintaan, Occidental Mindoro upang maghain ng kanilang apela at reklamo tungkol sa listahan ng mga mahihirap na nakapaskil sa kanilang barangay.

MALATE, Manila- Kasunod nang pagbubukas ng paunang talaan ng mga mahihirap ng LISTAHANAN, sinimulan na rin ng Department of Social Welfare and Development  (DSWD) MIMAROPA ang pagproseso ng mga reklamo mula sa publiko sa mga probinsya ng Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan.

Ito ay bahagi ng isinasagawang balidasyon sa buong rehiyon kung saan bukas sa publiko ang mga pangalan ng mga natukoy na mahihirap mula sa isinagawang malawakang pagbabahay-bahay noong 2019 ng DSWD LISTAHANAN.

Ang LISTAHANAN ay ang opisyal na mekanismo ng pamahalaan upang kilalanin at tukuyin kung sinu-sino at nasaan ang mga mahihirap na sambahayan sa bansa.

“Ang pagtanggap ng mga katanungan, apela o reklamo tungkol sa paunang listahan ng mahihirap kada barangay sa pamamagitan ng community desk ay nakabatay sa iskedyul ng nakatalagang kawani ng LISTAHANAN sa buong rehiyon katuwang ang ating mga lokal na opisyales,” pahayag ni DSWD OIC-Regional Director Purificacion Arriola.

Sa kasalukuyan maaring bisitahin ng publiko ang listahang nakapaskil sa mga barangay para maberipika ang mga pangalang nakalista dito.

“Sa mga maghahain ng reklamo, kinakailangang alamin nila ang iskedyul ng pagtanggap ng mga reklamo sa kanilang barangay at sa aming mga field workers. At siguraduhing magdala ng valid identification (ID) card o birth certificate sa araw na iyon para maproseso ang kanilang reklamo alinsunod sa Data Privacy Act of 2012,” ayon kay Arriola.

Patuloy ang pagproseso ng mga kawani ng DSWD LISTAHANAN sa mga reklamong inihahain ng mga residente sa isang barangay sa Sablayan, Occidental Mindoro.

Ang mga sumusunod ay ang uri ng reklamong tatanggapin at iproproseso:

  1. Naniniwalang mahirap pero wala sa talaan ng mahihirap dahil hindi nainterbyu o maaring hindi lumabas na mahirap;
  2. May kakilalang hindi mahirap pero napasama sa listahan ng mahihirap at/o napasama ang  sarili/pangalan sa talaan ng mahihirap ngunit naniniwalang hindi naman mahirap
  3. May gustong ipabagong impormasyon o datos ng inyong sambahayan gaya ng pagtanggal o pagdagag ng miyembro at/o magpapalit o lilipat ng address.

Paglilinaw ni Arriola na ang mga pangalang nakapaskil sa bawat barangay ay hindi payroll o listahan ng mga benepisyaryo ng iba’t ibang programa ng DSWD gaya ng Unconditional Cash Transfer Program o Pantawid Pamilyang Pilipino Progam.

Bagama’t ang LISTAHANAN ay ang ginagamit na opisyal na basehan sa pagpili ng mga potensyal na benepisyaryo ng mga programa at serbisyong nakatuon sa mahihirap, hindi awtomatikong makakatanggap ng tulong o ayuda ang mga natukoy na mahihirap sa LISTAHANAN. Ang lahat ay sasailalim pa rin sa itinakdang balidasyon ng bawat programa ng pamahalaan,” dagdag pa ni Arriola.

Para sa karagdagang katanungan o impormasyon, maaring makipag-ugnayan sa pamamagitan ng LISTAHANAN textline number: 09189122813 at 09178902327 at official Facebook Page:  www.facebook.com/listahanan.official.###

Loading