SANTA CRUZ, OCCIDENTAL MINDORO — Nang muling bisitahin ng isang pribadong organisasyon si Don Don Sinigmayon, batang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Sitio Siapo, Brgy. Pinagturilan (San Pedro), Santa Cruz, Occidental Mindoro, abot-taingang ngiti ang isinalubong nito sa kanila.

Noong ika-22 ng Abril, binisita ng Kilusang Nagmamalasakit sa Lalawigan Executive Committee members ang pamilya ni Don Don upang ipagbigay-alam ang magandang balita tungkol sa ibibigay na scholarship o buong suporta sa pag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo.

Ngunit sa pag-alis ng grupo, laking gulat nila nang muling magbigay ang bata ng sakong may lamang kamote galing sa kanilang 4Ps Gulayan bilang donasyon para sa Occidental Mindoro Community Pantry.
Ang pamilya ng 9 na taong gulang na si Don Don ay nabibilang sa tribong Alangan Mangyan na may pangarap na matawag na “Sir” o maging guro balang araw.

“Mabuting bata daw talaga si Don Don at kahit sila ay binibigyan nito ng kamote o mga huli nitong isda galing sa ilog. Siya rin daw ang naaasahan ng nanay niya sa bahay nila habang nagtratrabaho ang kuya at papa niya lalo na noong nagkasakit ito matapos ma-caesarean”, pahayag ni John Christopher Lara sa kaniyang social media media post.

Patunay ang benepisyaryo ng 4Ps na si Don Don na walang pinipiling edad o antas sa pamumuhay ang hahadlang sa kagustuhan ng isang taong may puso sa pagtulong.

Mga larawan at kwento sa pagbabahagi ni John Christopher Lara sa kaniyang Facebook social media post

Sa muling pagbisita ng isang organisasyon sa sitio nina Don Don, binigyan sila nga bata ng isang sakong naglalaman ng kamote bilang donasyon sa itinayong community pantry ng grupo.

 

Sa kwento ng mga kapitbahay, likas umano kay Don Don ang pagiging matulungin sa kaniyang kapwa.

 

Binigyan si Don Don ng scholarship mula elementarya hanggang kolehiyo ng Kilusang Nagmamalasakit sa Lalawigan na siyang magiging daan upang matupad niya ang kaniyang pangarap na matawag na “Sir” o maging guro balang araw.

Loading