BATARAZA, PALAWAN — Buhay na buhay ang bayanihan nang simulan ngayong araw ng mga Parent Leaders mula sa Brgy. Rio Tuba sa Bataraza, Palawan ang mobile community pantry upang tulungan ang mga kapwa benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sa pangunguna ng 19 na Parent Leaders, pinag-sama-sama ng mga benepisyaryo ang mga aning gulay, bigas, bagoong, kamote, at ilang mga grocery items upang ipamigay sa kapwa benepisyaryo sa Brgy. Rio Tuba na sumasailalim ngayon sa granular lockdown.

Bilang pagsuporta sa inisyatibo ng mga Parent Leaders sa Brgy. Rio Tuba, nagpa-abot din ng tulong ang mga benepisyaryo mula sa karatig-barangay gaya ng Bry. Taratak.

“Nagpapasalamat po kami sa ibang Parent Leaders ng ibang barangay gaya po ng Taratak. Nagpaabot po sila ng tulong sa amin tulad ng mga gulay at 2 balde ng bagoong”, pahayag ni Melit Llanes, isa sa mga Parent Leaders mula sa Brgy. Rio Tuba.

Dahil nasa ilalim ng granular lockdown, napagdesisyunan ng mga Parent Leaders na ihatid na lamang sa bawat bahay ng mga benepisyaryo sa Brgy. Rio Tuba ang tulong sa halip na magbukas ng karaniwang community pantry.

Ayon naman kay Maribeth Adjuhod, isa sa 6 na Parent Leaders ng Brgy. Taratak, lubos nilang nauunawaan ang kasalukuyang hirap ng sitwasyon na dulot ng paghihigpit o community lockdown na nararanasan ng kapwa benepisyaryo kaya naman nagdesisyon sila na tulungan ang karatig-barangay na Brgy. Rio Tuba.

Sa unang araw ng mobile community pantry, naabutan ng tulong ng nasabing inisyatibo ang 13 sambahayang benepisyaryo sa Brgy. Rio Tuba.

Sumailalim sa granular community lockdown ang Brgy. Rio Tuba noong ika-19 ng Abril at magtatagal hanggang ika-2 ng Mayo 2021. ###

 

Loading