PINAMALAYAN, ORIENTAL MINDORO — Binuksan ngayong araw ng mga staff ng DSWD Pantawid Municipal Operations Office (MOO) Pinamalayan ang itinayong community pantry sa bayan ng Pinamalayan, Oriental Mindoro.

Ipinamigay sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iba pang mga nangangailangang residente sa Pinamalayan ang iba’t ibang uri ng mga groceries at gulay na galing mismo sa mga staff ng MOO Pinamalayan.

“Nireplicate po namin ito from the original pantry of Maginhawa. Our team decided to start po dito sa aming municipality. Initially po ang goods ay pledge ng staff then kanina, habang nagseset-up kami, may nagtanong po kung ano ang pwede pang ibigay . ‘Yung ibang offices po dito sa munisipyo namalengke pa po pambigay kaya nakapag-replenish po kami agad”, pahayag ni Rhonalee Carle, Municipal Link mula sa MOO Pinamalayan.

Agad namang sinuportahan ang nasabing inisyatibo ng iba’t ibang mga partners mula sa lokal na pamahalaan, mga sangay ng gobyerno, mga organisasyon mula sa pribadong sektor, at ilang mga residente ng munisipyo.

Dagdag pa rito, nakibahagi rin ang mga benepisyaryo sa pamamagitan ng paga-ambag ng sobrang ani mula sa kanilang 4Ps Gulayan.

Samantala, marami na sa mga residente at mga opisina sa Pinamalayan ang nangakong susuporta sa itinayong community pantry upang tuloy-tuloy itong makatulong sa mga benepisyaryo at mga nangangailangang residente sa Pinamalayan at mga karatig-bayan.

Naging maayos naman ang unang araw ng community pantry sa suporta ng Philippine National Police (PNP) Pinamalayan na siyang tumulong na mapanatili ang kaayusan ng aktibidad lalo na pagdating sa physical distancing.

Ang community pantry ng Pinamalayan ay mula sa konsepto ng community Pantry na nauna nang naitayo sa Maginhawa St. sa Diliman, Quezon City na naglalayong mabigyan ng libreng pagkain sa mga nangangailangan. ###

Loading