TORRIJOS, MARINDUQUE — Kinilala ngayong araw, ika-14 ng Abril 2021, ang pagsisikap ng 64 na mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Torrijos, Marinduque na maiangat ang kanilang pamumuhay at patuloy na pakikibahagi sa mga gawain upang mapaunlad ang pamilya at pamayanan.

Sa pangunguna ng Provincial Operations Office (POO) Marinduque at Municipal Operations Office (MOO) Torrijos at sa supporta ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ni Mayor Lorna Velasco at Speaker Lord Allan Velasco, naging matagumpay ang nasabing aktibidad.

Ayon kay DSWD MIMAROPA OIC Assistant Director for Operations Purificacion Arriola, nang dahil sa buong-pusong pagyakap ng mga benepisyaryo sa programa, naging matagumpay ang mga interbensyong ibinigay ng ahensiya sa tulong na rin ng mga partners mula sa lokal na pamahalaan, sangay ng gobyerno, mga pribadong sektor, at Civil Society Organizations (CSOs).

Ang pagkilalang ito ay bahagi ng implementasyon ng Kilos Unlad Framework na syang gumagabay sa pagpapabuti ng buhay ng mga benepisyaryo. Maliban sa pagbibigay ng mga sertipiko, iginawad din sa mga benepisyaryo ang iba’t ibang mga serbisyo at interbensyong plano at maaari nilang makuha mula sa mga partners.

Ipinangako naman ni Mayor Lorna Velasco na bagama’t hindi na magiging parte ng programa ang 64 na mga benepisyaryo, nariyan ang lokal na pamahalaan ng Torrijos na syang gagabay sa kanila upang hindi na sila muling bumalik pa sa estado ng pamumuhay bago pa man mapasali sa programa.

Matatandaan na bago pa man ang pagsasagawa ng aktibidad na ito, nauna nang pinulong ng MOO Torrijos ang mga partners upang ipresenta at pagkasunduan ang mga magiging papel nila sa patuloy na paggabay sa mga paalis nang benepisyaryo. ###

         

 

Loading