PUERTO GALERA, ORIENTAL MINDORO — Bilang panimulang pagsuporta, tinanggap ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino (Program) ang bigay na mga sisiw ng lokal na pamahalaan ng Puerto Galera sa ginanap na aktibidad sa Muelle Heritage Park, Puerto Galera, Oriental Mindoro nitong ika-15 ng Abril 2021.
Maliban sa 30 sisiw na ibinigay sa bawat benepisyaryo, binigyan din sila ng lokal na pamahalaan ng patuka, bitamina para sa manok, at tubigan (waterer) na maaari nilang magamit upang mapalaki ng maayos ang mga sisiw at mapalago ang tulong-pangkabuhayan.
“Malaking tulong po ang patuloy na pagsuporta ng ating pamahalaan sa pangunguna ni Mayor sa katulad po naming mga nangangailangan lalo na sa panahon ng pandemya”, pahayag ni Salve Magbuhos, isa sa mga benepisyaryong nabigyan ng lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga nakatanggap ay ang pitong benepisyaryo na nasa kategoryang CS26 o mga benepisyaryong inendorso na sa lokal na pamahalaan upang ipagpatuloy ang paggabay sa kanila.
Ayon naman kay Mayor Rocky Ilagan, ngayong wala na sila sa programa ay nais siguruhin ng lokal na pamahalaan na patuloy ang pagsuporta sa mga inendorsong benepisyaryo lalo na ngayong may pandemya at panimula na nga rito ang tulong-pangkabuhayan.
Matatandaan na nauna nang pinulong ng DSWD Pantawid Puerto Galera ang lokal na pamahalaan kasama ang iba’t ibang mga partners mula sa mga sangay ng gobyerno at mga pribadong sektor noong ika-23 ng Pebrero sa pamamagitan ng isang Case Conference upang ilatag ang kanilang magiging papel sa implementasyon ng Kilos Unlad Framework o estratehiyang gumagabay sa programa upang mapabuti ang buhay ng mga benepisyaryo.
Sa kabilang banda, makakatanggap din ang mga natitirang mga CS26 ng parehong tulong-pangkabuhayan mula sa lokal na pamahalaan sa mga susunod na lingo.
Mga larawan kuha mula LGU Puerto Galera/Mayor’s Office