MALATE, Manila- Sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA at DSWD National Capital Region (NCR), patuloy ang encoding activities para sa mga Household Assessment Forms (HAFs) mula sa katatapos lang na balidasyon ng mga mahihirap sa rehiyon ng MIMAROPA.

Nitong Abril, opisyal na nagtapos ang balidasyon ng mga mahihirap patungkol sa paunang talaan ng mahihirap ayon sa LISTAHANAN 3rd Round Household Assessment (L3) kung saan umabot sa 262,718 ang kabuuang bilang ng mga reklamong natanggap at inaksyunan sa mga probinsya ng Marinduque, Occidental at Oriental Mindoro, Romblon at Palawan.

Nasa labing-isang encoders mula sa DSWD NCR ang nangunguna sa gawaing ito.

Ang encoding activities ay bahagi ng Validation Phase kung saan ipinapasok ang mga nakalap na datos mula sa HAFs sa LISTAHANAN Data Entry Application upang isailalim sa proseso ng Proxy Means Testing (PMT).

Ang PMT ay isang estadistikang pamamaraan kung saan tinataya ang kita ng isang sambahayan gamit ang panghaliling batayan o proxy variables na nakapaloob sa LISTAHANAN household assessment form gaya ng laki ng pamilya, trabaho, edukasyon ng bawat miyembro, mga ari-arian at marami pang iba.

Ang tinatayang kita mula sa resulta ng PMT ay ibinabangga sa poverty threshold ng isang probinsya. Ang poverty threshold ay ang opisyal na itinakdang kita ng bawat pamilyang Pilipino ayon sa Philippine Statistics Authority. Ang sambahayang may kitang mas mababa sa poverty threshold ay itinuturing na mahirap samantalang ang may kitang lagpas o hindi bumaba sa poverty threshold ay itinuturing na hindi mahirap.

Ang LISTAHANAN ay ang opisyal na mekansimo ng pamahalaan para kilalanin kung  sinu-sino at nasaan ang mahihirap sa bansa. ###

Loading