MALATE, Manila City — Magsasagawa ng graduation at exit ceremony ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa mga probinsya sa rehiyon sa Huwebes, ika-10 ng Hunyo, 2021.

Mula sa 5,523 mga benepisyaryo na aalis na sa programa, 259 ang sabay-sabay na magtatapos sa iba’t ibang lugar sa MIMAROPA: 17 benepisyaryo sa Alcantara, Romblon; 40 benepisyaryo sa Corcuera, Romblon; 30 benepisyaryo sa Abra De Ilog, Occidental Mindoro; 143 benepisyaryo sa Roxas, Oriental Mindoro; at 29 benepisyaryo sa Mogpog Marinduque.

Sa gawaing ito, opisyal na ieendorso sa lokal na pamahalaan ang mga paalis nang benepisyaryo sa programa upang ipagpatuloy ang paggabay sa kanila nang hindi na muli pang bumalik sa kahirapan.

“Alam kong may agam-agam ang ating mga benepisyaryo ngunit nasisiguro ko, saksi ang ating mga Local Chief Executives at iba pang mga partners, tuloy-tuloy ang pagsuporta ng pamahaalan sa kanilang lahat. Hindi na lamang kami sa DSWD ang kasama nila sapagkat nariyan na ang lokal na pamahaalan at iba pang mga kaanib na kaisa natin sa adbokasiyang labanan at putulin ang siklo ng kahirapan”, pahayag ni DSWD Regional Director Fernando De Villa Jr., CESO III.

Kasabay sa pag-alis sa programa, kikilalanin din ang pagsusumikap ng mga dadalong sambahayan na makatawid sa kaunlaran at maputol ang siklo ng kahirapan.

Nagpapasalamat naman si RD De Villa sa mga naging kontribusyon ng lokal na pamahalaan, mga sangay ng gobyerno, at mga partners mula sa pribadong sektor sa pagpapabuti sa buhay ng mga paalis at kasalukuyang mga benepisyaryo ng programa.

Sa kasalukuyan, nasa 3,323 mga benepisyaryo na ang tagumpay na naiendorso sa mga lokal na pamahalaan sa iba’t ibang munisipyo sa rehiyon.

Ayon sa batas, ang isang sambahayang benepisyaryo ay kailangan nang umalis sa programa kung (a) nasa ikatlong lebel na o maayos na ang pamumuhay kaya hindi na kailangan pa ng suporta mula sa programa at (b) wala nang batang edad 0-18 na miyembro ng sambahayan ang maaaring i-monitor o irehistro sa ilalim ng programa. ###

Loading