Ang mga unang benepisyaryo ng Unconditional cash Transfer Program na nakatanggap ng cash card sa isinagawang pilot distribution sa bayan ng Boac.

MARINDUQUE— Isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA katuwang ang Landbank of the Philippines (LBP) ang pilot test ng pamamahagi ng cash card para sa 100 na mga benepisyaryo ng Unconditional Cash Transfer (UCT) Program sa bayan ng Boac.

 “Ang Unconditional Cash Transfer cash card distribution po ay naglalayong mabigyan nang mas madali at maginhawang pamamaraan ang ating mga partner-beneficiaries na makuha ang pinansyal na tulong mula sa ating pamahalaan,” ayon kay DSWD MIMAROPA Regional Director Fernando de Villa sa isinagawang ceremonial activity noong June 29, 2021.

Ang UCT ay ayudang pinansyal ng pamahalaan para sa mga mahihirap na higit na naapektuhan sa implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law. Kabilang sa mga nakatanggap nito noong 2018 ay mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Social Pension Program at ang mga sambahayang natukoy na mahihirap ayon sa 2015 LISTAHANAN household assessment.

Matatandaang noong nakaraang taon, naantala ang pamamahagi ng ayuda ng UCT dahil sa pandemyang kinakaharap. “Batid po ng DSWD na hanggang sa kasalukuyan ay sadyang napakahirap para sa marami sa ating mga kababayan — lalo’t higit sa mga pinakamahihirap na pamilya na halos nawalan ng hanapbuhay at pagkakakitaan dahil sa pandemya. Kung kaya lubos po ang aming pasasalamat sa inyong lahat sa patuloy na pagtitiwala sa aming ahensya sa paghahatid ng serbisyong maagap at mapagkalinga,” dadag pa ni Director de Villa.

Sa 810 na benepisyaryo ng UCT sa bayan ng Boac, unang nakatanggap ng tig-P3600.00 ang 100 na benepisyaryo para sa kanilang ayuda sa taong 2020.

Batay sa batas, ang pinansyal na ayuda sa UCT ay sa loob lamang ng tatlong taon, simula 2018 hanggang 2020. Ang kasalukuyan pong pinapamahagi sa pamamagitan ng cash cards ay ayuda para sa taong 2020. Para sa mga hindi pa nakatanggap ng ayuda para sa taong 2018 at 2019, ang DSWD po ay maglalabas ng anunsyo kung kailan ito maipapamahagi,” ang paglilinaw ni UCT Regional Coordinator Ferdinand Rañada.

Inaasahan namang magsisimula ngayong buwan ang pamamahagi ng cash cards sa ibang probinsya katuwang ang LBP at ang lokal na pamahalaan.

Sa kasalukuyan, nasa 52,183 (83.2%) benepisyaryo sa buong rehiyon ang nakatanggap na ng UCT grants para sa taong 2018 na umabot sa P125 milyong kabuuang halaga pamamagitan ng mga partner conduits.

Samantalang nasa 76,044 ang kabuang bilang ng mga benepisyaryo ng UCT sa buong MIMAROPA kung saan 5,126 ay mula sa probinsya ng Marinduque.

Ang nasabing seremonya ng cash card distribution naman ay dinaluhan nina Provincial Administrator Vincent Michael Velasco bilang kinatawan ni House Speaker Lord Allan Q. Velasco, Marinduque Governor Presbitero Jose Velasco Jr., Lt. Col Luna Eulogio bilang kinatawan ni Boac Mayor Armi Carrion at LBP Boac Branch Manager Efren C. Nalda. ####

Loading