Buenavista, Marinduque – Nakatanggap ng radyo ang 45 na mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Buenavista, Marinduque na opisyal nang nag-exit sa programa ngayong araw, ika-20 ng Oktubre 2021.

Ang nasabing radyo ay ibinigay ng mga partners mula sa iba’t ibang opisina ng pamahalaan gaya ng opisina ni Mayor Nancy Madrigal, Vice Mayor David Vitto, Department of Trade and Industry (DTI), DSWD Sustainable Livelihood Program (SLP), Department of Agriculture (DA), Baranggay Local Government Unit (BLGU) office, Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine National Police (PNP) gayundin mula sa cash grants withdrawal partner ng programa na Triple Jhones Q. Construction.

Pahayag naman ni Ami Esparcia, Pantawid Pamilya Provincial Link ng Marinduque, ang mga radyo ay gagamitin ng mga benepisyaryo upang patuloy na makapakinig sa mga isinasagawang Family Development Session (FDS) sa munisipyo bagama’t aalisin na sila sa programa.

Nang dahil sa 4Ps napasama ang aking anak sa ESGPPA; at ngayon ay isa ng guro sa Yook National High School. Mayroon din po akong anak na kasulukuyang nagaaral sa MSC at kumukuha ng kursong BS social work. Dahil sa pagpupursigi naming mag-asawa, ay unti unting naisakatuparan ang aming mga pangarap na maiangat ang aming estado sa buhay. Naniniwala po ako na hangga’t may pangarap at may pananalig sa Diyos ito ay matutupad”, ani Chary Mercene, isa sa mga benepisyaryo, tungkol sa pagi-endorso sa kanila sa lokal na pamahalaan.

Ang graduated/exited na mga benepisyaryo ay ie-endorso na sa lokal na pamahalaan bilang bahagi ng implementasyon ng Kilos Unlad Framework o gabay upang mapabuti ang pamumuhay ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa loob ng 7 taon. Sa oras na maiendorso na, ang lokal na pamahalaan na ang magpapatuloy sa pagsuporta sa sambahayan upang masiguro na hindi na sila muli pang babalik sa kahirapan.

Ayon sa batas, ang isang sambahayang benepisyaryo ay kailangan nang umalis sa programa kung (a) nasa ikatlong lebel na o maayos na ang pamumuhay kaya hindi na kailangan pa ng suporta mula sa programa at (b) wala nang batang edad 0-18 na miyembro ng sambahayan ang maaaring i-monitor o irehistro sa ilalim ng programa.

Sa kabilang banda, binigyang-pagkilala naman ng Pantawid Pamilya Municipal Operations Office (MOO) Buenavista ang pagsusumikap ng mga benepisyaryo na tuluyan nang makaalis na siklo ng namamanang kahirapan. ###

 

Loading