Mga kababaihan sa MIMAROPA kabilang sa 4Ps. [Larawan kuha ng 4Ps RPMO]
MALATE, Manila- Ayon sa pinakahuling tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA, aabot na sa 1,292,754 ang bilang ng mga kababaihan o nasa 48.89 porsyento ng kabuuang populasyon sa rehiyon. Ang datos na ito ay ayon sa Listahanan, ang opisyal na talaan ng mahihirap sa bansa.

Ang probinsya ng Palawan ang may pinakamalaking bilang ng mga kababaihan na aabot sa 458,753 o 35.49%. Susundan naman ito ng Oriental Mindoro na may 381,050 o 29.48%; Occidental Mindoro na may 205,673 o15.91%; Romblon na may 133,363 o 10.32%; at Marinduque sa bilang na 133,363 o 10.32%.

Mula sa nasabing bilang ng mga kababaihan, umabot sa 568,387 o 46.69% ng  kabuuang bilang ng mga kababaihan ang natukoy na kabilang sa mahihirap na sambahayan.

Natukoy din sa nakalap na datos na karamihan sa mga kababaihan sa rehiyon ay nakatira sa mga kanayunan o rural area na aabot sa bilang na 81.27% at 11.52% ay kabilang sa sektor ng agrikultura kung saan nagtratrabaho sa pagsasaka, pangingisda, at paghahayupan.

Nasa 2.97% naman sa mga kababaihan ay nagtatrabaho bilang managers at mga opisyales ng pamahalaan; 2.23% ay mga professional; 4.55% ay service workers; at 13.55% ay laborers at unskilled workers.

Bilang pagkilala sa papel ng mga kababihan sa komunidad at pamilya, nasa 6.50% o 83,998 bilang ng mga babae ang idineklarang household head. Samantalang 4.01% sa mga babae ay solo parent.

“Bilang pagsuporta sa mga kababaihan, ang DSWD Field Office MIMAROPA ay may mga programa at serbisyo para sa kanilang sektor gaya ng skills training, livelihood assistance, psychosocial support services at pagbibigay ng tulong-pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individual in Crisis Situation o AICS,” ayon kay Gabriela Fernandez, Women Sector Focal Person ng DSWD Field Office MIMAROPA.

Ang buwan ng Marso ay tinaguriang Buwan ng Kababaihan ayon sa Proclamation No. 227 series of 1998.

 

####

Loading