Isa ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD upang sugpuin ang kahirapan. Layunin ng programa na mapataas ang antas ng kakayahan, karanasan, at kasanayan ng mga kalahok upang magkaroon ng matatag na kabuhayan sa pamamagitan ng negosyo o trabaho.

Bilang pagpupugay sa ating mga stakeholders, aming ipinapakilala ang SLP Kwentong Sibol. Ito ay sumasalamin sa istorya ng pag-usbong at patuloy na pagyabong ng mga benepisyaryo ng SLP.

Tampok ngayon ang kwento ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa Occidental Mindoro na nadapa, bumangon, nagsumikap, at ngayon ay unti-unti nang naiiaangat ang buhay mula sa kahirapan. 

______________________________________________________________________________

Kilala ang ating mga Overseas Filipino Workers (OFW) bilang makabagong bayani ng ating henerasyon. Ang kanilang kwento ng sakripisyo makapagbigay lamang ng magandang buhay sa kanilang mga minamahal ay sadya namang nakamamangha.

Tulad nila, si Larry De Lara, 50 taong gulang na naninirahan sa Brgy. Sta Teresa, Magsaysay, Occidental Mindoro, ay sumubok din ng kaniyang kapalaran sa ibang bansa. Siya’y nagtrabaho sa Saudi Arabia mula 2005 dala ang pag-asang maiahon sa hirap ang kanilang buhay. Pagkatapos ng anim na taon, napagpasyahan niyang umuwi sa Pilipinas upang dito maghanap ng ibang oportunidad habang kasama ang pamilya.

Si Mang Larry ay naging empleyado ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) bilang isang lineman. Sa kasamaang palad, pagkalipas ng dalawang taon, siya’y naaksidente sa motorsiklo na naging dahilan ng kanyang pagitigl sa pinapasukang trabaho. Kaya nagpasya na lamang siya na magtayo ng maliit na vulcanizing shop sa kanilang lugar. Di man regular ang kita, kahit papaano’y may naipapakain siya sa kanyang asawa at anim na mga anak.

Si Mang Larry at ang kanyang mga alagang baboy

Ngunit sa di inaasahang pagdating ng pandemya, tulad ng marami, si Mang Larry din ay lubhang naapektuhan. Ang maliit na vulcanizing shop na kanilang inaasahan sa pang-araw-araw na gastusin ay di na halos kumikita sa dalang ng mga nagpapaayos ng mga motorsiklo. Kaya sumubok silang magtanin ng gulay at mangutang upang may maipakain sa pamilya at may pangtustos sa pang-araw-araw na gastusin.

Taong 2021, nagsadya nang lumapit si Mang Larry sa lokal na pamahalaan ng Magsaysay upang maibangon ang kanyang kabuhayan. Mapalad siyang napabilang sa mga naging benepisyaryo ng DSWD Sustainable Livelihood Program (SLP). Ginamit niya ang natanggap na Php8,000.00 livelihood assistance grant bilang puhunan sa pagsisimula ng kaniyang babuyan.

Unti-unting nakapagpundar ang kanyang pamilya ng isang sari-sari store mula sa kinita ng kaniyang proyektong pangkabuhayan. Ang dati rin niyang maliit na vulcanizing shop ay isa na ngayong talyer na nagbebenta ng mga spareparts ng motorsiklo.

Ang munting sari-sari store at talyer ng pamilya ni Mang Larry na bunga ng kita mula sa kanilang babuyan

Kaya gayon na lamang ang pasasalamat ni Mang Larry sa livelihood assistance na kanyang natanggap. Aniya, “Malaki ang pasasalamat ko sa lokal na pamahalaan ng Magsaysay at sa DSWD SLP sa tulong at tiwala na ibinigay nila sakin upang makabangon kami sa pagbagsak ng kabuhayan namin noong panahon ng pandemya.” Dagdag pa niya, ”Yong mga tulong na binigay satin ay huwag natin sayangin at pahalagahan natin.”. Dahil nga sa ganitong kaisipan meron si Mang Larry ay matagumpay niyang napalago ang halagang naipagkaloob sa kaniya.

Kaagapay ang kanyang maybahay at ang kanilang anim na mga anak, di alintana sa mukha ni Mang Larry ang hirap na pinagdaanan sa buhay. Sama-sama ang pamilya sa pagbangon, katuwang ang naibigay na tulong ng DSWD sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP)

Tunay ngang wala nang mas hihigit pa sa kasiyahang dulot na makasama ang mga mahal sa buhay. At sa kabila nga ng mga pagsubok na naranasan, nanatili siyang isang matibay na haligi ng kanilang tahanan. ##

 

Isinulat ni Hattie Florence Quintero (DSWD-SLP Occidental Mindoro Project Development Officer II), 2nd Placer sa nakaraang Sibol Stories: SLP Feature Writing Contest

Loading