Sa muling pagtatampok ng SLP Kwentong Sibol o mga istoryang sumasalamin sa pag-usbong at pagyabong ng mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD, aming ibinabahagi ngayon ang kwento ng mag-asawang nawalan ng tirahan at pinagkakakitaan ngunit nakabangon sa tulong ng programa.

Layunin ng SLP na mapataas ang antas ng kakayahan, karanasan, at kasanayan ng mga kalahok upang magkaroon ng metatag na kabuhayan sa pamamagitan ng negosyo o trabaho.

_____________________________________

 

Ano ba ang pakiramdam ng mawalan ng tahanan? Matapos ang nakakapagod na araw, wala kang daratnan na lugar na magsisilbing pahingahan. Ilang linggo matapos mong mawalan nito, sumunod namang kinuha ang iyong pinagkakakitaan. Paano mo nga ba malalampasan ang pagsubok na ito kung ikaw ay may inaalala pang sanggol na susuportahan?

Ito ang kwento ng mag-asawang Crisolino at Wilma Balicat.

Disyembre taong 2019 nang manalasa ang bagyong Ursula sa probinsiya ng Occidental Mindoro. Isa sa mga lubhang naapektuhan nito ay ang bayan ng Magsaysay. Matapos ang ilang araw na pananalasa, nag-iwan ito ng malaking pinsala sa mga kabuhayan at ari-arian. Sa isang iglap, nawasak ang dekadang pinagpaguran ng mga mamamayan.

Daing ng maraming kababayan ang tulong mula sa gobyerno. Kaya laking pasasalamat ng mag-asawa nang mapabilang sila sa mga benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at nabiyayaan ng mga materyales panggawa ng kanilang nasirang tahanan. Nagkaroon sila ng pag-asang makapagsimula muli upang bumangon.

Ngunit dumating naman ang pandemya na naging dahilan ng pagkawala ng trabaho ng marami at sadyang nagpahina ng ekonomiya ng bansa. Isa sa mga lubhang naapektuhan nito si Crisolino Balicat.

Isang karpintero si Crisolino at tumatanggap ng arawang bayad sa kanyang serbisyo. Sapat lamang sa pangangailan ng kanilang pamilya ang kinikita nito sa pang-araw-araw. Nang mawalan ng trabaho dulot ng pandemya, lubhang ikinabahala ng pamilya ang kanilang kakanin. Mabuti na lamang at nakatanggap sila ng benepisyong nagkakahalaga ng Php 5,000.00 mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng ahensya. Ito ang nagsilbing pantawid ng kanilang gutom sa mga panahong wala silang malapitan.

Di nagtagal, nakatanggap ang pamilya ng magandang balita. Noong Setyembre 2022, isa si Crisolino sa mga mapapalad na nabiyayaan ng livelihood assistance grant (LAG) na Php10,000.00 sa ilalim ng programang Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD. Ang halagang natanggap ay ipinagkatiwala niya sa kanyang maybahay at agad naman itong ibinili ng mga panimulang materyales sa planong barbecue stall.

Noong una’y malaki ang pag-aalinlangan ng mag-asawa sa magiging kahihinatnan ng kanilang pamumuhunan sa negosyong ito. Datapwa’t lahat ng ito’y biglang naglaho noong alas sais pa lamang ng gabi ay naubos na ang kanilang paninda sa unang araw ng kanilang pagbubukas.

Naging patok sa kanilang lugar ang kanilang barbecue stall dahil na rin sa malasang sauce at malinis na pagkakagawa nito. Marami sa kanyang mga naging customers ang binabalik-balikan ang sarap ng kaniyang timpla. Ilang buwan matapos matanggap ang livelihood grant, ang nasirang tahanan ng bagyong Ursula ay nasimulan na nilang itayo na may mas matibay na pundasyon at mga kongkretong haligi’t pader. Nagkaroon din sila ng alagang baboy upang maging panibagong pagmumulan ng kita.

Hindi maitago ang mga ngiti na namumutawi sa pisngi ng mag-asawa sa nakikita nilang pag-unlad ng kanilang buhay. Higit din ang kanilang kasiyahan sapagkat naibibigay nila ng masagana ang mga pangangailangan ng kanilang nag-iisang anak.

Lubos na nakakahanga ang lakas at tatag na ipinakita ng mag-asawa. Lalo pa ngang lumalim ang kanilang pagsasama matapos malampasan ang mga pagsubok na ito.

Marami ang nagtataka sa tagumpay nilang ito. Kaya naman ang sagot ni Mrs. Wilma, “Nasa tamang pagtimpla lamang iyan. Di kinakailangan magmadali. Ang tagumpay ay dahan-dahang niluluto upang mas sumarap ang lasa kapag ito’y inihain na. Ang sikreto sa matagumpay na negosyo? Matamis na ngiti.”

Isinulat ni Honey Grace Rogan (DSWD-SLP Occidental Mindoro Project Development Officer II), 5th Placer sa nakaraang Sibol Stories: SLP Feature Writing Contest

Loading