Sa bayan ng Cajidiocan, naroroon ang isang matatag at masiglang babae na nagngangalang Exaltacion Rabino. Sa kanyang 52 taong gulang, itinatatag niya ang diwa ng tunay na paglilingkod at pagmamalasakit sa kanyang komunidad.
Nagsimula ang kwento ni Gng. Exaltacion bilang isang simpleng barangay kagawad, isang babae mula sa tribu ng Mangyan. Ngunit sa paglipas ng panahon, natagpuan niya ang sarili bilang bahagi ng Project Implementation Team (PIT) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan–Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS). Sa unang taon pa lamang, naranasan niyang maluklok sa posisyon na kanyang hindi inaakala, at sa pagtahak ng proseso ng Community-Driven Development ng KALAHI-CIDSS at sa patuloy na pag-unlad ng proyekto, natuklasan niya ang di inaasahang kakayahan at lakas ng kanyang loob.
Ang mga taon ng paglilingkod ni Gng. Exaltacion ay puno ng tagumpay at pag-angat. Naging pangunahing tagapagsulong siya ng mga proyektong naglalayong solusyunan ang mga hamon sa komunidad, at dahil dito, naiangat ang antas ng kanyang mga kakayahan. Noong 2017-2018, siya ay itinalaga bilang Head ng Project Preparation Team, kung saan lalo niyang naipamalas ang husay ng isang babaeng Mangyan.
Sa pagdaan ng mga eleksiyon noong 2019, natutunan ni Gng. Exaltacion na itakwil ang kanyang takot at maging bahagi ng lokal na gobyerno bilang barangay kagawad. Sa pangunguna ng kanyang mga kapwa community volunteers, nagtagumpay siya nang walang ginugol na pera sa kampanya, at nanguna pa sa bilangan ng boto.
Ang taon 2021-2022 ay nagdala ng bagong pag-asa sa bayan ng Cajidiocan sa pamamagitan ng KALAHI-CIDSS ADDITIONAL FINANCING (AF). Ang programa ay naglunsad ng Phase 1 implementation at dito napasama si Gng. Exaltacion bilang Bid and Awards Commitee (BAC) Chair. Sa kabila ng hamon at pagsubok, nagtagumpay ang kanilang pamimili, at ngayon, bukas na bukas na nagagamit ng komunidad ang natapos na proyektong Improvement of Water System.
Ayon kay Gng. Exaltacion, ang pagiging isang community volunteer ay higit pa sa simpleng pagtulong; ito ay pagiging bahagi ng pag-unlad at pagbabago. Sa paglilingkod niya, natutunan niyang maging bukas at makipag-ugnayan sa mga mataas na opisyal ng bayan. Isang malaking pasasalamat ang kanyang nararamdaman sa KALAHI-CIDSS dahil dito, natuklasan niya ang kahalagahan ng bawat isa sa kanilang komunidad.
Ang dating simpleng babaeng Mangyan, ngayon ay nagsisilbing inspirasyon sa kanyang bayan. Ang kanyang kwento ay patunay na sa likod ng bawat tagumpay ay isang nagmamalasakit na puso at handang maglingkod sa kapwa.
——–
Isinulat ni Diseree Rotoni, Area Coordinator in Cajidiocan, Romblon; Istorya ni Exaltacion Rabino, KALAHI-CIDSS Community Volunteer.