Labis ang pagpapala sa mag-asawang Ronaldo at Evelyn Forio nang nagsimula silang magkaroon ng munting kabuhayan mula sa Sustainable Livelihood Program (SLP) taong 2019. Nakatira sila noon sa bahay ng ama ni Evelyn sa Pinagbuhatan, Pasig City kasama ang kanilang dalawang anak. Nagtatrabaho si Evelyn bilang saleslady sa mall na may buwanang kitang Php15,000.00 samantalang si Ronaldo naman ay may Php 8,000.00 buwanang kita bilang isang welder upang maitaguyod ang pamumuhay nilang magpamilya.

Taong 2019 ay nagkaroon ng malubhang sakit si Ronaldo kaya napagpasyahan ng pamilya na umalis sa kanilang mga trabaho at umuwi sa kanilang probinsya sa Brgy. Pato-o, Odiongan kung saan nakatira ang mga magulang ni Ronaldo upang doon sya maipagamot. Purong pagtityaga at pagtitiis ang ginawa ng pamilya para sa pagpapagaling ng kanilang haligi ng tahanan kaya naman nang mawala ang malubhang sakit nya ay nagpasya silang magsimula muli sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang maliit na gasolinahan, babuyan, at ihaw-ihaw upang may pagkakitaan at ipangtustos sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

Taon ding iyon ay siya namang pagbigay ng pagkakataon sa kanila na mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na kung saan nagkaroon sila ng tulong pinansyal para sa pag-aaral ng kanilang mga anak at nagkaroon ng pagkakataong makalahok sa Sustainable Livelihood Program na kung saan ay nagkaroon sila ng panimulang puhunan para sa ninanais na negosyo. Napagdesisyunan nilang ilaan iyon sa pag-aalaga ng mga baboy sapagkat mayroon silang karanasan sa pag-aalaga ng mga iyon ngunit sa kasamaang palad ay lubhang naapektuhan ito ng pandemya.

Gayunpaman, hindi sila nagpatinag sa mga problemang kinakaharap. Ang perang naitabi nila mula sa pagbebenta ng baboy, kita sa gasolinahan, at pag-iihaw-ihaw ay kanilang inipon upang makapagtayo ng isang sari-sari store. Nagsimula sila sa pagrenta ng lupa na pagtatayuan ng tindahan at unti-unting nakapapagawa ng pwesto kalaunan kung saan sila magtitinda at maaring manirahan.

Kapag kulang ang kanilang kita sa tindahan ay napupunan naman ito ng kita ni Ronaldo bilang isang welder na nagkakabit ng mga bubong. Kasabay nito ang kanilang pag-iimpok. Sa katunayan ay nakapagpundar sila ng mga kagamitan at makina sa pagkumpuni ng mga motor na nagkakahalaga ng Php 24,000.00 at nagtitinda ng ilang mga motor parts at langis na syang dagdag na pinagkakakitaan nila kapag walang trabaho si Ronaldo. Unti-unti rin silang nakabili ng mga kasangkapan na nagagamit sa bahay tulad ng washing machine, refrigerator at TV. Higit pa roon, ay nasusuportahan nila ang pangangailangan ng kanilang mga anak na nag-aaral kung saan ang panganay na anak na kasalukuyang nasa Maynila ay naghahanda upang kumuha ng Engineering Board Exam.

Sa kasalukuyan ay kumikita na ng regular ang kanilang mga munting negosyo. Sabi nga ni Evelyn, “bukod sa puhunang panimula na ibinigay saakin ng programa, tumatak saakin ang mga pangaral at pagpupursige ng SLP na matulungan kami kaya’t malaki ang aming pasasalamat dito”. Masaya pa niyang ibinahagi na nakapag pundar muli sila ng babuyan mula sa unti-unti nilang pag-iimpok at kita. ##

 

Isinulat ni Leezyl Mitzi Shamn Moscoso (DSWD-SLP Occidental Mindoro Project Development Officer II), 7th Placer sa nakaraang Sibol Stories: SLP Feature Writing Contest

Loading