ABORLAN, Palawan- Swerte kung ituring ng mga taga Aborlan ang pagbisita ng mga representante ng bansang Myanmar, Indonesia at East Timor kaninang umaga.

Ang Barangay Sagpangan at Gogognan sa Aborlan kasi ang napili ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa buong Pilipinas na may matagumpay nang proyekto sa ilalim ng Kapit Bisig Laban Sa Kahirapan, Comprehensive And Integrated Delivery of Social Services o KALAHI CIDSS.

Nais kasing gawing modelo ng mga nabanggit na bansa ang pagpapatupad ng matagumpay na proyekto sa pangunguna ng komunidad at ordinaryong mamamayan.

Gaya na lang ng 3.345 km. Farm to market road sa Barangay Sagpangan at ang hanging bridge sa Barangay Gogognan.

Kung dati ay kailangan pang lumangoy o maglakad ng malayo ang mga mga estudyante at residente ng Brgy. Gogognan para lang makatawid, ngayon naman ay kailangan na lamang nilang lakarin ang 60 metrong tulay. Malaking kaluwagan para sa kanila at sa kanilang pamumuhay.

93% ng residente ng barangay ay pawang katutubong Tagbanua at sila ang nagtulung-tulong para magawa ang tulay. Aminado naman ang mga volunteers ng proyekto na hindi naging madali ang proseso dahil kailangang maging transparent lahat.

Ito ang kanilang ibinahagi sa mga bisita na pag-aaralan naman nila para ituro rin sa mga mamamayan sa kanilang bansa.

Patunay umano ito na malaki ang papel na ginagampanan ng ordinaryong mamamayan. Dahil kahit sila ay maaaring makapagpatupad ng mga proyektong mapapakinabangan ng lahat.###

Source: TV Patrol Palawan

Loading