Sa malakristal na karagatan ng Taytay Palawan masasalamin ang isang komunidad na punong-puno ng pagkakaisa at pagbabayanihan. Kasabay ng bawat hampas ng alon sa dalampasigan ang lutong at saya ng kanilang tawananan. Ayon sa mga taga Taytay, isang kayamanan ang tunay na nagbubuklod sa kanila: ang Seaweeds.
Higit na pinasigla ang grupo dahil sa matabil na dila, matalas na pag-iisip at maliksing pangangatawan ng kanilang lider, Minelanyo Sama, pangulo ng Pamantolon Small Commuity Farmers Association.
Siya ang inspirasyong itinuturing sa kanilang komunidad, ang ama at modelo ng kanilang asosasyon.
Paglalayag tungo sa kaunlaran
Ang paglalayag ni Minelanyo tungo sa kaunlaran ay punong-puno ng malalaking alon. Alon na sumubok sa kaniyang paninindigan at pananalig sa poong may kapal. Hanggang sa huli, naniniwala siya na ang hirap sa buhay na kanilang nararanasan ay panandalian lamang at ang kinabukasang puno ng saya at kasaganaan ay makakamtan din nila.
Dati ng nagsi-seaweeds farming si Minelanyo ngunit dahil sa kakulangan ng sapat ng kaalaman at pagsasanay sa tamang pagseaweeds farming, hirap na mapalago ang kanilang negosyo. Araw-araw, matinding pagsubok ang kanilang kinakaharap upang makapagpunla at makapag-ani ng maayos na seaweeds. Halos magkandakuba na at maging uling ang balat mairaos lamang ang isang buong araw.
“Bago pa po dumating ang SLP ay nagseaweeds na kami. Kaya lang po matumal ang aming kita noon,” malungkot na sambit ni Minelanyo.
Habang nagsasalaysay ng kaniyang buhay, walang humpay ang kaniyang pagngiti. Ngunit sa likod ng matamis na ngiti sa kaniyang labi ang nangingilid na luha sa kaniyang mga mata. Patunay na pinipili lamang niyang magpakasaya sa kabila ng hirap na kaniyang natatamasa.
“Isang kahid isang tuka po talaga kami. Madalas pahirapan kung saan kukunin ang pampakain sa aming pamilya at pampaaral sa aming mga anak,” sambit ni Minelanyo.
Araw-araw, nanalangin siya at ang kaniyang pamilya na magkaroon ng oportunidad upang higit na mapaunlad ang kanilang buhay. At isang araw, kasabay ng bukang liwayway ang isang magandang balitang hatid ng Kapitan ng Kanilang Barangay, Edilberto Y. Felizarte.
“ Sa tulong po ni Kapitan, nakilala po namin ang SLP at ang kanila pong mga proyekto, lalo na ang seaweeds. Laking tulong po talaga,” maligayang sambit ni Minelanyo.
Kaunlaran kasabay ng bukang liwayway
Nagsimula ang proyektong Seaweeds Production ng Sustainable Livelihood Program noong 2013. Ito ang proyektong pinili ng DSWD-SLP dahil sa naaayon ang kanilang lokasyon sa pagpapalago ng seaweeds. Ang Taytay Palawan ay bihirang daanan ng bagyo, may malawak na reef areas at malawig na marine coastlines.
Upang higit na mapaunlad ang kaalaman at kasanayan sa akmang pagseaweeds farming, sumailalim sa anim (6) na araw na training ng SLP sina Minelanyo kasama ang kanilang mga kaasosasyon. Ang pagsasanay na ito ay ibinahagi ng Department of Agriculture, Bureaus of Fisheries and Aquatic Resources, Regional Fisheries Training Center Palawan at DSWD-SLP.
Napakalaking tulong na naidulot ng pagsasanay ng seaweeds production para kina Minelanyo. Sa tulong ng training, higit na napayabong nila ang kanilang negosyo. Ang dating suntok sa buwan na pagpupunla at pag-aani ay nagkaroon na ng sistema. Nabigyan din sila ng mga tools at equipment na magagamit upang higit na mapabilis ang kanilang pagtatrabaho.
Bukod pa rito, nabigyan din sila ng oporutnidad upang makabili ng kanilang sariling bangka na gingagamit nila sa seaweeds farming. Sa ngayon, anim (6) na bangka na ang pagmamayari ng dalawang asosasyon ng mga seaweeds farmers.
“Laking tulong po. Ngayon po, mas marami na kaming naani dahil sa training namin sa SLP hindi po tulad dati na sobrang tumal talaga ng ani dahil sa maling gawi namin. Mayron na rin po kaming anim na bangka na resulta ng aming pagsisikap,” maligayang sambit ni Minelanyo.
Pagbusilak ng buhay dahil sa seaweeds farming
Ang seaweeds ang itinuturing na kayamanan ng mga taga Taytay Palawan. Ito ang kanilang pangunahing pinagkikitaan at pinagkukunan para sa kanilang araw-
araw na pamumuhay gayundin ang mga inaasam na mga materyal na bagay. Nagisislbi rin itong libangan at pagkakataon upang higit na mapatibay ang samahan ng komunidad. Kadalasan, si Minelanyo ang pangunahing nagpupulong sa mga kasapi ng kanilang asosasyon upang magtrabaho kasabay ng masaya at malalim na huntahan.
“Dahil sa pagseaweeds, nagkaroon na sila ng mga motor, mga telebisyon at nakapagpaaral na ng mga anak.”
Patuloy na pagyabong ng pangarap
Malaki na ang naitulong ng DSWD-SLP, ngunit patuloy pang nangangarap si Minelanyo sa higit na mas maaliwalas na pamumuhay. Ayaw niyang habang buhay umasa sa mabibigay ng gobyerno.
“Pangarap ko po na magkaroon na kami ng sarili naming market. Isa po sa mag hindrance nito yung nasasakal kami ng mga middle man. Sana po kami na ang magkron na sariling market. Sa locality namin, kami na po sana ang manguna,” sambit ni Minelanyo habang nakatingin sa himpapawid.
Bukod pa rito, malaki rin ang malasakit niya sa buong komunidad ng seaweeds farming. Iniisip ni Minelanyo ang kapakanan ng komunidad lalo na tuwing may kalamidad.
“ Dumarating ang mga kalamidad sa atin. Kaya pangarap ko na magkaron kami ng sariling Integrated Community Disaster Preparedness Program. Kailangan din ng seaweeds na may disaster preparedness at equipment din.”
Para kay Minelanyo, mahalaga ang preparedness hindi lamang sa seaweeds farming ganun din sa buhay natin.
Nang tinanong kung ano ang itunuturing niyang kayamanan, ito ang kaniyang makahulogang sambit, “ Ito (ang pagsiseaweeds) ang pinakamalaking kayamanan na bigay ng Diyos. Yun bang hindi na ikaw magdukal ng lupa. Ito nakadesinyo na. Yung pagtataniman mo, nakalatag na. Ito po ang pinamatuturing kong kayamanan.” ###