PUERTO PRINCESA City- Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Children’s Month ngayong buwan ng Nobyembre ay isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng Palawan ang 22nd Provincial Children’s Talent Contest noong ika-29 ng Nobyembre sa Centennial Pavilion ng gusaling Kapitolyo.

Sa temang “Isulong Kalidad ng Edukasyon para sa Lahat ng Bata,” ang naturang paligsahan ay nilahukan ng mga batang may edad 3 hanggang 5 taong gulang at kasalukuyang pumapasok sa iba’t ibang day care centers sa buong lalawigan. Layon ng aktibidad na ito na maipamalas ng mga batang pumapasok sa day care ang kanilang mga talento at galing sa pagsasalita.

Ang paligasahan ay kinabibilangan ng dalawang kategorya: ang singing contest o paligsahan sa pag-awit at ang draw and tell kung saan gumuhit ng larawan ang mga bata at pagkatapos ay ipinaliwanag nila ang kanilang mga gawa.

Mula sa sampung magkakatunggali ay nakamit ni Brent Jezer Noble ng Taytay ang unang pwesto para sa paligsahan sa pag-awit samantalang si Mariel Pasignase mula sa munisipyo ng Sofronio Espanola ang nagwagi sa Draw and Tell.

Ang mga nanalo ay tumanggap ng salaping gantimpala mula sa Pamahalaang Panlalawigan. Benepisaryo rin sila ng scholarship para sa kanilang anim na taong pag-aaral sa elementarya.

Ayon kay Gng. Abigail Ablana, hepe ng PSWDO, ang batang iskolar ng Pamahalaang Panlalawigan ay tatanggap ng P5,000 kada taon bilang pandagdag sa kanilang mga gastusin tulad ng uniporme at iba pang pangangailangan sa paaralan.

Sa kasalukuyan ay umaabot sa 24,593 ang mga batang pumapasok sa day care center sa buong lalawigan na patuloy na binibigyang kalinga ng PSWDO kaagapay ang mga day care workers.### (Palawan PIO)

Loading