MAMBURAO, Occidental Mindoro – 1,536 mga katutubo mula sa pitong (7) tribu ng Mangyan— Hanunuo, Alangan, Gubatnon, Iraya, Buhid, Bangon at Tadywan — at mga miyembro ng iba’t ibang organisasyong sumusuporta sa mga IPs ang dumalo sa pagdiriwang ng ika-10 taon ng Araw ng mga Mangyan na inorganisa ng HAGIBBAT-MANGYAN MINDORO.

Ang mga kawani ng Department of Social Welfare and Development Central Office at FO MIMAROPA region ay nakiisa sa selebrasyon upang pakinggan ang kanilang mga tinig at ipakita ang suporta sa pagpupursigi na pangalagaan at protektahan ang kanilang lupaing ninuno. 

Ipinaabot ng mga Mangyan sa Gobyerno at publiko ang mga isyung kanilang ipiniglalaban sa pamamagitan ng kanilang malikhaing pagtatanghal – pagkanta, pagsayaw at pagtula.

Isang dayalogo ang isinagawa ng DSWD at mga lider ng pitong (7) tribu ng Mangyan, Huwebes, ika-27 ng Abril.

Dito inilahad ang kasalukuyang kalagayan ng mga Mangyan, mga isyung kanilang kinakaharap, at resolusyon para sa DSWD.

Sa panig naman ng DSWD, sinagot nila ang mga agam-agam ng mga katutubo at itinala ang mga isyu at hiling na ipaparating sa mga opisyales ng DSWD.

“Kung nasaan po ang mga mahihirap, kung nasaan po ang mga nangangailangan, doon po titindig ang DSWD sa ilalim po ni Sec. Taguiwalo.

Hindi po namin kayang sabihin na Stop Mining kung ang paninindigan po ng administrasyon ay ituloy. Pero yun nga po, gagamitin po ni Sec. Taguiwalo ang kanyang impluwensya at ang kanyang mahabang panahon ng paglilingkod sa sambayanang Pilipino bilang aktibista para ipaabot po sa administrasyon ni Pangulong Duterte na masama ito para sa mamayan at sa mga katutubo, gagawin po niya ito.” – Ina Alleco Silverio, Media Officer of DSWD & Representative of DSWD Sec. Judy M. Taguiwalo during the Mangyan Day 2017.

Loading