Parada ng mga lipi bilang panimula ng DSWD MIMAROPA sports fest.

MALATE, Manila- Sa katatapos lamang na 2017 sports festival ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA, muling pinatunayan ng mga kawani ang kanilang galing sa larangan ng sports at larong Pinoy.

Labanan ng Lipi ang naging tema ng palaro kung saan apat na katutubong tribo ang binuo at nagsipagsiklaban. Ito ay ang Tagbanwa, Iraya, Bantoanon, at Hanunuó.

Bilang panimula ng sports fest, isang payak na parada na dinaluhan ng mga kawani at ng apat na lipi na may kanya-kanyang lakambini at lakandula bilang representante ng tribo. Isa namang sayawan o zumba ang inihanda at sa pagtatapos ng opening celebration, isang masayang  kainan o boodle fight ang pinagsaluhan ng lahat.

Karaniwan sa naging mga patimpalak sa sports ang basketball, dart, chess, volleyball, table tennis at badminton para sa mga kababaihan at kalalakihan. Samantalang nagkaron din ng iba’t ibang laro ng lahi na mas nagpakulay nang nasabing festival.

Labanan sa larong basketball ng mga kababaihang Iraya at Tagbanwa.

Sa pangunguna ng Human Resource and Development Unit, isinasagawa ang sports festival upang mas lalong mapaigting ang samahan ng mga kawani sa loob ng departamento. “Ito rin ay naglalayong mabigyan sila ng pagkakataong maglibang at paraan ng stress debriefing mula sa bigat ng kani-kanilang mga trabaho,” ang pahayag ni Rose Jean Mayrena HR officer.

Samantala, itinanghal na pangkabuang kampeon ang grupo ng Iraya, pumangalawa ang grupo ng Tagbanwa, pangatlo ang Bantoanon at pang-apat ang grupo ng Hanunuó.

Nagkamit naman ng tropeyo at cash prize ang mga nanalong grupo. Ginawaran din ng certificate appreciation ang mga kawani na nagwagi sa mga larong pang-indibidwal.  ###

Loading