Wala na akong pamilya.
Balo na ako ng 10 taon tapos hindi naman ako nagkaroon ng anak na maasahang tumulong sa akin upang harapin ang pang araw araw na hamon ng buhay dito sa Capaclan Romblon, Romblon.
Oo, sobrang hirap, pero kinakaya ko… kailangan kong kayanin.
Ako ang sumusuporta at bumubuhay sa sarili ko. Ako rin ang nagaalaga sa sarili ko kahit may sakit na ako.
Ang bigat na pagsubok, pero kailangan kong maging matatag kahit na medyo marupok na ang aking katawan dahil sa katandaan.
Natatandaan ko pa noon, magisa lang ako dyan sa bahay ko tapos bumabagyo. Sobrang takot na takot ako noon. Kumakalampag at umuuga na buong bahay ko dahil gawa lang naman ito sa pawid. Hindi ko alam kung mabubuhay pa ba ako kinabukasan.
Nagdasal nalang ako sa Ginoo. Sabi ko, kayo na po ang bahala sa akin. Alam ko pong mahal na mahal naman ninyo ako.
Sa awa ng Ginoo, ligtas naman ako. Sabi ko, bilang pasasalamat, higit pa akong magsisilbi sa kanya at sa aking kapwa.
Dito na nagsimula ang higit kong pag-aaruga sa aking mga kapitbahay, ang magkapatid na sina Lourdes at Celedonia.
Tulad ko, mga senior citizen na rin sila. Ngunit higit ang kanilang pinagdadaanan. Si Lourdes, ay may problema na sa pandinig at pananalita. Hindi na rin nya kayang makatayo ng magisa. Samantalang si Celedonia naman ay hindi na makakita dahil sa kanyang katarata.
Pare pareho na kaming matanda at magisa sa buhay. Lahat pa kami walang regular na hanapbuhay. Dati gumagawa ako ng walis pero ngayon hindi ko na kaya.
Pero sa kabila ng mga ito, hindi ako sumuko sa pag-aalaga sa magkapatid na sina Lourdes at Celedonia.
Ako ang tumutulong sa kanila tuwing may sakit sila. Tumatakbo ako sa hospital upang makakuha ng gamut at tulong. Pinagluluto ko rin sila at pinagiigib ng tubig. Sinasakay ko rin sila sa traysikul kapag pupunta sila sa bayan. Lahat lahat ginagawa ko upang alagaan ko sila.
Noon, sobrang hirap talagang harapin ng bawat araw na darating. Ang dilim ng buhay. Minsan gusto ko na ring bumigay pero hindi pwede dahil mahal na mahal ko sina Lourdes at Celedonia.
Kaya laking pasasalamat ko ng dumating ang Social Pension sa aming buhay noong 2015.
Lumiwanag at gumaan talaga ang buhay namin noon.
Malaking tulong ang P500.00 na binibigay nila sa amin. Nakabili na po ako ng desenteng pagkain… ng isda, ng bigas at nakabili na rin po ako ng gamut.
Naparepair ko na rin po itong bahay ko. Hindi na po ako masyadong nangangamba sa tuwing may bagyo o sakunang sasalanta sa amin.
Mas naalagaan ko rin po sina Lourdes at Celedonia. Sabay sabay po kaming pumupunta sa bayan upang kumuha ng payout. Inaalalayan ko po sila dahil medyo mahina na nga ang kanilang pangangatawan.
Sobra sobrang nagpapasalamat po ako sa Social Pension dahil laking tulong na nabigay nila sa amin. Binigyan po nila kami ng pagasa at rason upang maging maligaya at maginahawa.
Higit sa lahat po, nagpapasalamat po ako sa Ginoo dahil sa biyaya ng buhay at pagmamahal. Hindi po niya kami pinabayaan kahit anong sigalot po ang kinaharap na naming.
Ang hiling ko nalang po ngayon, sana wag na muna akong kunin ng Ginoo dahil iniisip ko po, wala ng mag-aalaga kina Lourdes at Celedonia. Ako lang ang kanilang maaasahan. Mahal na mahal ko po sila. Sana humaba ang buhay namin.
Ako po si Luisa Maduro Tome, 77 taong gulang, Social Pension Beneficiary ng Capacalan Romblon Romblon.