Ud may halawon malngan
Ud may ma-adalinan
Hanggan tig idalinan
Bunulan maburi wan
(Wala pong karupukan
Di dapat manghinayang
Dahil masisilayan
Yaong buling gandahan)
Isa sa mga stanza ng Ambahang Balay ng Mangyan (Pitogo, Mangyan Heritage Center)
Ang mga Mangyan ang sinasabing unang grupong katutubo na nanirahan sa isla ng Mindoro. Mayroon silang pitong tribo: ang Iraya, Alangan, Tadyawan, Tau-Buhid, Buhid, Hanuno, at Ratagnon. Mayroong iba pang tribong Mangyan na hindi pa lubos na kinikilala dahil sila ay sinasabing naninirahan sa pinaka sulok ng mga kabundukan ng Mindoro. Ito ang mga tribong Bangon at Gubatnon.
Ang tawag na Mangyan ay nagmula sa pagtawag ng mga kastila sa katutubo na “mangmang”. Kinalaunana ay naging “Mangyan” ang tawag sa kanila, pinaikling “Mangmang yan”. Karamihan sa mga Mangyan ay naninirahan sa kabundukan ngunit mayroon rin na naninirahan sa kapatagan. Agrikultura ang kanilang pangunahing pangkabuhayan, partikular na ang pagtatanim sa pamamagitan ng pag kakaingin, pangunguha ng mga halamang ugat, at pangangaso.
Sa paglipas ng panahon ay unti-unti na ring nakikisalamuha ang mga Mangyan sa mga dayuhan o mga tagalog na kung tawagin nila ay “damuong”. Hindi kaila na hanggang sa kasalukuyan ay nakakaranas parin ng diskriminasyon, pang-aapi, at pang- aagaw ng lupa ang mga katutubong Mangyan. Upang maiwasan na ang mga ito, bumuo ng samahan ang mga Mangyan upang mapaiglaban at mapangalagaan ang kanilang lupaing ninuno. Isa na rito ang grupo ng HAGURA Mangyan.
Sa katimugan ng Kanlurang Mindoro sa bayan ng Magsaysay ay matatagpuan ang mga tribo ng Mangyan na Hanonoo, Ratagnon, at Gubatnon na bumubuo sa samahang HAGURA. Ang mga Hanonoo ay karaniwang nakatira sa bundok, samantala ang mga Ratagnon naman ay nakatira sa kapatagan. Ang mga Gubatnon, sa kabilang banda ang sinasabing pinaka matapang sa mga tribo ng Mangyan na sinasabing pinaghalong Gubatnon at Ratagnon.
Mahirap ang pinagdaanan ng kanilang tribo, wika ni Pady, isa sa mga miyembro ng HAGURA. Ayon sakanya ay dumanas sila ng pang-mamaliit sa mga ‘damuong’ na kinalaunan ay naging daan upang sila ay ma-organisa at mailabas ang saloobin at maipag laban ang karapatan ng kanilang tribo.
Sa pagdaan ng panahon, iba’t-ibang mga samahan at grupo ang tumulong sa HAGURA. Mayroong mga internasyonal na grupo, mga relihiyosong grupo, at maging ang lokal na pamahalaan ng Magsaysay. Hindi nag-laon at unti-unti na ring kinikilala ng mga damuong ang sistema ng pamunuan ng mga Mangyan sa kani-kanilang tribo.
Sa pagdating ng Kalahi CIDSS sa bayan ng Magsaysay, isa sa mga sinigurado nito ay ang tamang partisipasyon at representasyon ng mga katutubo sa mga Barangay Assemblies. May kultura ang mga katutubong mangyan na kung saan tanging ang nakatatanda o kung tawagin nila ay “mga gurangon” lamang tumatayong representante ng tribo sa mga pulong. Kung kaya naman tinutungo ng mga staff ng Kalahi CIDSS ang kanilang mga tribo, sap ag payag na rin ng mga gurangon, upang doon mas maipakilala ang programa sa mga katutubo.
Sa pag-pili ng pamayanan ng proyekto, hindi maiiwasan na maisantabi ang mga katutubo dahil sa kakaunti nilang representasyon at populasyon kumpara sa mga damuong. Ngunit sa bandang huli ay nabigyan ng pagkakataon ang mga katutubo na magkaroon ng proyekto sa pagkakaisa at pakikipag tulungan nila sa mga damuong. Ibinahagi ng mga katutubo ang pangangailangan nila upang mapangalagaan ang kanilang lupaing ninuno at mapayabong ang kanilang kultura.
Sa kasalukuyan ay mayroong ipatutupad na proyektong Balay Tirigsunan at isang malaking karatula na nag-sasaad ng sakop ng lupaing ninuno ng HAGURA. Ang Balay Tirigsunan ang magsisilbing lugar kung saan maaaring magpulong, magsanay, at pansamantalang manuluyan ang mga katutubo. Sa kasalukuyan ay sinisimulan nang itayo ang proyekto katuwang ang HAGURA.
Marami pa rin ang kumukwestyon sa kakayanan ng mga Mangyan na mag desisyon lalo na sa larangan ng kaunlaran. Bilang katuwang sa pag-unlad, hindi maiiwasan ng lokal na pamahalaan na minsan ay kwestyunin ang nagiging desisyon ng tribo ng Mangyan pagdating sa pag kakaroon ng mga proyektong pangkaunlaran. Ngunit ayon kay Pady “ang proyekto maliit man o malaki, kung aangkop naman ito at hindi nakakasagasa sa kulturang Mangyan ay tanggap ng samahan.”
Aminado si Pady na malaking kakulangan parin sa mga tribong nasa kabundukan ang mga proyektong pangkabuhayan. Ayon sakanya, mayroong mga tribo na umaangat-angat ang kabuhayan at mayroon ring mga salat sa kabuhayan at edukasyon. Sa ngayon ayon kay Pady, ay patuloy ang gagawin nilang pakikipag ugnayan sa LGU at sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at siya ay lubos na naniniwala na sila ay mapapakinggan dahil sila ay na-organisa na bilang isang grupo. “Kung ang mga katutubong pamayanan ay organisado at may boses ay maaayos ang kanilang pamayanan.” Wika ni Pady.
Sa kabilang dako ay nagpahiwatig naman ng pag suporta ang lokal na pamahalaan ng Magsaysay sa pagpapatayo ng mga bahay paanakan sa lupain ng mga Mangyan upang hindi na mahirapan ang mga ito na magtungo pa sa bayan sa mga panahong mayroong ina na nag dadalang tao sa kanilang tribo.
“Ak way mamaslakayan
Sa uyayi rinikman
Agod mahimanmanan
Kang maglinyawan banban”
(Muli Sanang Mahimlay
Sa banayad kong duyan
Nang tuna’y pong mapagmasdan
Pagyabong ko’t kariktan)
Isang stanza mula sa Ambahang Alaala ng mga Mangyan (Pitogo, Mangyan Heritage Center)
###