Si Aris Magramo, 32, at ang kanyang maybahay na si Ann, 32, ay tubong Brgy. Balogo, Calatrava, Romblon. Mayroon silang dalawang anak na may edad na siyam at isang taong gulang. Bago maging benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP), si Aris ay namamasukan bilang security guard sa siyudad ng Caloocan, Metro Manila.
Noong 2017, napagdesisyunan ni Aris na bumalik sa Balogo upang masubaybayan ang asawang maselan ang pagbubuntis sa ikalawa nilang anak. “Nag-baka sakali lang ako sa Maynila. Naisip ko na may bangka naman na ako sa Balogo kaya bumalik na lang ako”, ani Aris. Siya ay sumailalim na sa Skills Training for Motorized Banca Assembly cum Fish Net Assembly and Repair ng SLP bago pa ito lumuwas ng Maynila upang makipagsapalaran.
“Maraming projects ang pagpipilian. May babuyan, manukan. Ang pinili naming ay fishing dahil pamilya kami ng mga mangingisda”, kwento ni Ann. Ang SLP ang nagbigay ng starter kit na naglalaman ng makina ng bangka, lambat, set gillnet, epoxy, pako, at iba pang materyales sa paggawa ng bangka.
“Bale nung February 2017 ginamit ko na agad ‘yung bangkang pampalaot. Maganda ang kita kaya Awa ng Diyos ay nakapagpagawa ako ng isa pang bangka nung Abril”, ayon kay Aris. Ang halaga ng isang bangka ay naaayon sa sukat nito. Ang maliit na bangka (hindi pa kasama ang makina) ay nagkakahalaga ng Php 20,000.00 habang ang malaki naman ay umaabot ng Php 40,000.00 hanggang Php 45,000.00 depende sa laki nito. Ang kanyang dalawang bangka ay nadagdagan pa ng isa noong taong ding iyon.
“Marami nang nagsabi na bibilhin daw nila itong bangkang bigay ng SLP. Ito kasi ang pinakamalaki dito sa amin kaya tinatawag nilang ‘hitter’ dahil napakaganda sa panghuli talaga nito. Sabi ko naman e kahit na offer-an pa ako ng isandaang libo, hindi ko ito ipagbibili. Ito ang swerte sa amin e”, kwento ni Aris.
Mula sa Php 18,000.00 na kabuuang kita (gross income) ni Aris kada buwan noong security guard pa siya, ngayon ay kumikita siya ng Php 12,000.00 (net income) kada linggo sa pangingisda. “Bale ‘yung sweldo ko ‘nung nasa Maynila ako e mababawasan pa ng renta sa bahay at pagkain. Kaya Php 3,000.00 na lang kada buwan ang naipapadala ko sa misis ko kaya kulang talaga. Pero dito sa amin, ‘yung Php 12,000.00 ay akin na ‘yun. Bawas na dun ‘yung para sa dalawang tauhan ko at iba pang gastos”, salaysay ni Aris.
Si Aris ay pumapalaot dalawang beses sa isang araw: simula 3 AM hanggang 9 AM at 4PM hanggang 10 PM. “Puyat talaga pero kailangan na maaga kasi doon naglalabasan ang mga isda”, ani Aris. Hindi naman problema kay Aris ang pagbebenta ng mga isdang nahuli dahil mayroon ng buyer na nakaabang sa kanyang mga huli. “Pag limang kilo lang ‘yung isda, binebenta ko na sa mga kapitbahay. Nagpupunta sila dito sa amin at nagtatanong kung may pwede ba silang pang-ulam. Binebenta ko na”, dagdag ni Aris.
Matapos ang halos dalawang taon mula nang maging kalahok ng SLP si Aris, “Nabayaran na namin ‘yung motor na hinuhulugan at nakapagpatayo din ng maliit na kubo para sa dalawang anak namin dahil nga mainit dito sa bahay. Napalitan ko na din ng mas malaking ref ‘yung ginagamit ko ngayon sa tindahan. Malakas kasi ang kita ng softdrinks sa amin”, salaysay ni Ann na nagpapatakbo ng maliit na tindahan sa harap ng kanilang bahay.
Bilang ilaw ng tahanan, ibinahagi ni Ann na mahalagang matutunan ng katulad nilang benepisyaryo ang tamang pagbabadyet at pag-iipon. Ayon sa kanya, “Ang kita kasi dapat hinahati ‘yan sa mga gastusin at savings. Hindi dapat mawawala sa paglilista ang ipon. Hindi naman kasi pang-habambuhay ay aasa na kami sa gobyerno. Tsaka mahirap mabaon sa utang”. Masayang ibinahagi ni Ann na dumami ang kanyang paninda kasabay ng paglago ng huling isda ni Aris.
“Bale ang pinag-iipunan naman naming ngayon ay ‘yung pagpapaayos nitong bahay. Tumutulo na kasi siya lalo na kapag umuulan”, kwento ni Ann nang tanungin kung ano pa ang nais maipundar sa mga susunod na taon.
“Nagpapasalamat ako na buo pa din kami bilang asosasyon. Lahat kami nangingisda pa din. Napansin ko kasi na ‘yung ibang asosasyon, hindi na sila nagpatuloy”, salaysay ni Aris nang tanungin ang kalagayan niya bilang isang mangingisda sa barangay. “Hindi naman lahat ay kita. Magastos din mag-maintain ng bangka. Labor pa lang ng isang tao umaabot na ng Php 450.00 kada araw”, kwento ni Aris nang tanungin kung paano niya inaalagaan ang mga bangka. Taun-taon ay kailangan din itong pinturahan upang manatiling maganda at matibay ang mga bangka.
Hindi din mawawala ang panganib na kinakaharap ng mga mangingsidang tulad ni Aris. Ayon sa kanya, ang lambat na pang-tulingan ay ginagamit talaga kapag malalaki ang alon. Naikwento ni Aris na mayroong isang pagkakataon na nakahuli ng halos 180 kilo ng isda ang kanyang kapatid gamit ang maliit niyang bangka kung kaya’t muntikan na itong lumubog sa kalagitnaan ng dagat. “Awa ng Diyos at na-rescue naman sila. Palakasan lang talaga ng loob,” ani Aris.
Ayon kay Ann, nasanay na ito sa trabaho ng asawa. “Dasal lang talaga. Kasi magugutom kami kung hindi siya papalaot”, salaysay niya. Maging ang pamilya ni Ann ay mga mangingisda kaya naman lumaki itong nangarap din mamuhunan sa bangkang pangisda. Sa katunayan, marunong din siyang mangisda ngunit hindi na nakakasama dahil sa tindahan at dalawang anak nila.
“Walang makakapantay doon sa kasama mo ang pamilya mo, nakikita mong lumalaki ang mga anak mo. Mahirap man paminsan-minsan, sa kanila ka huhugot ng lakas ng loob para tumayo”, ayon kay Aris nang tanungin kung ano ang pinakamalaking naitulong ng SLP sa kanyang pamilya. ###