“Mula sa tatlong biik mula sa SLP, nakapagpundar pa ako ng mga sisiw, at nang makapag-ipon pa ay nakapagsimula din ako ng sibuyasan,” ani Lizilita Ross, benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program.

Hindi naging madali kay Lizilita na bumangon mula sa pagkaka-aksidente ng kanyang asawa kung saan siya ay gumastos ng higit sa isandaang libong piso. Kinailangan niyang bunuin ang halagang iyon upang maipagamot ang kanyang asawa sa isang espesyalista. Bilang isang trabahador sa resort na kumikita ng Php 5200.00 kada buwan, naging masigasig siya sa paghahanap ng iba pang mapagkakakitaan upang mapunan ang lahat ng kanilang gastusin.

Nang maipakilala sa kanya ang SLP, tanging galak ang kanyang naging tugon. “Excited po ako dahil hindi pa man lang nangyayari, interesado na talaga ako,” ani niya. Ipinagpaliban niya ang dapat sana niyang pupuntahan upang makadalo sa pagtitipon ng SLP. Hindi naman siya nabigo nang makapasok siya sa programa. Nabigyan siya ng tatlong biik bilang panimulang kapital.

Matapos ang tatlong buwan ng pag-aalaga, naibenta niya ang mga ito sa halagang Php 23,000.00 sa kabuuan. Bilang isang matalinong negosyante, bumili pa ulit siya ng apat na biik at limampung sisiw para sa ikalawang cycle. Nang maipagbili ang mga alaga, umabot sa halos Php 40,000.0 ang kanyang kinita. Mula dito ay naipagawa na niya ang kanilang bintana at nakapagpa-tiles ng sahig.

Sa kasalukuyan ay nasa ikalimang cycle na siya kung saan naipagbili niya ang tatlong baboy at isandaang manok sa halagang Php 50,000.00 sa kabuuan. Ang Php 20,000 dito ay ginamit niya sa pagtatanim ng sibuyas. Hindi naman siya nagkamali sa pamumuhunan sapagkat ito ay kumita ng Php 224,000.00 noong anihan. Kaya naman, nabili na niya ang katabing lote ng kanilang kasalukuyang bahay.

“Naranasan ko na walang bigas, walang kape. Ang mga anak ko naglalakad sa kainitan makapasok lamang sa paaralan. Ang bahay namin ay dampa. Kahit ako ay hindi makapaniwala na kaya naman palang umangat kahit kaunti basta pursigido ka sa buhay. Ngayon, ang mga anak ko de-serbis na. Ang bahay namin kahit papaano ay sementado na. Naibili ko din ng tricycle na pampasada ang asawa ko. Ang mga kapitbahay ko napapahiram ko na din minsan sa oras ng pangangailangan,” ani niya.

“Pag binigyan ka ng kabuhayan, mahalin mo,” ito ang tanging payo ni Lizilita sa mga katulad niyang nagsimula sa maliit na negosyo na napalago dahil sa sipag at tiwala sa kakayahan. Tunay ngang ang pagpupursigi ang magiging sandata ng sinumang nagnanais na umangat ang kabuhayan. ###

 

Loading