“Kampay para Sa Tagumpay” – nagsagawa ng isang kampay ang mga dumalo sa aktibidad ng Pantawid Pamilya upang ipagdiwang ang tagumpay ng mga benepisyaryo na naka-“graduate” na sa programa

Puerto Princesa City  – Isinagawa ng Department of Social Welfare and Development Field Office MIMAROPA sa pangunguna ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang “Kampay para sa Tagumpay: Pagkilala sa mga Kwento ng Pagtawid” noong Hulyo 26, 2019 sa Palawan Uno Hotel, Puerto Princesa City upang ipagdiwang ang pag-“graduate” o pag-“exit” sa programa ng mga benepisyaryo nito dahil sa unti-unting pagtaas ng antas ng kanilang pamumuhay.

Layunin ng aktibidad na bigyan ng pagkilala ang tagumpay ng mga benepisyaryo nito at maipahayag ang mga kwento ng kanilang pagtawid sa kahirapan.

“Simula 2011, 1,436 na pamilya na ang naka-“graduate” sa programa hanggang sa kasalukuyang taon. Ang mga pamilyang ito ay may mga nakapagtapos na mga anak, nagkaroon na ng magagandang hanap-buhay, at nagkaroon ng regular na pinagkikitaan habang sila ay nasa loob ng programa. Ang mga Municipal o City Links ang siyang tumutukoy sa pamamagitan ng isang assessment kung ang mga pamilyang ito ay maari nang umalis sa programa. Ang iba naman na mga benepisyaryo ay boluntaryong nagpapatanggal sa programa dahil para sa kanila, kaya na nilang tumayo sa kanilang sariling mga paa dahil ang programa ay nagging malaki na ang tulong sa kanila,” ayon kay OIC Regional Director Floreceli G. Gunio.

Mayroong 30 na pamilya ang dumalo sa nasabing pagdiriwang mula sa Puerto Princesa, Narra, Roxas, at Quezon na nagrerepresenta sa mga benepisyaryo sa buong rehiyon ng MIMAROPA na naka-“graduate” na sa programa.

Nagbigay ng mensahe at testimonya sina Margelyn Mandapat mula sa Quezon, Eva Acierto mula sa Roxas, Joesyl Mantal, mula sa Narra, at Daisy Franco mula sa Puerto Princesa City upang ipahayag ang pagbabago sa kanilang buhay matapos maging benepisyaryo ng Pantawid Pamilya.

Ayon kay Margelyn, nabago ng programa ang kanilang buhay maging ang kaniyang sarili sa loob ng pitong taon niya bilang benepisyaryo ng programa.

“Karamihan sa mga kasamahan ko sa cluster ay katutubong Palaw’an na talagang kapos sa buhay at kulang sa sapat na edukasyon. Dahil sa programang Pantawid, pinahalagahan nila ang edukasyon at programang pangkalusugan ng ating gobyerno, na sa totoo lang, noong wala pa ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay ayaw nilang pagsumikapang paaralin ang kanilang mga anak at napakahirap nilang alukin ng mga programang pangkalusugan na ibinibigay ng ating pamahalaan,” pahayag ni Margelyn.

Si Margelyn ay isang katutubong Palaw’an na ngayon ay nagtatabaho na sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Palawan.

Dinaluhan din ni Vice Governor Victorino Dennis M. Socrates ang naturang pagdiriwang kasama ang mga katuwang na ahensiya, organisasyon, at lokal na pamahalaan ng Pantawid Pamilya upang magbigay ng testimonya at mensahe sa mga benepisyaryong Pantawid.

Nagpakita din naman ng presentasyon ang Department of Agriculture (DA), Palawan State University (PSU), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE), Amigonian Youth Center, Inc., International Care Ministries (ICM), at Ligaya ng Buhay tungkol sa ng kanilang mga serbisyo na maaring makuha ng mga naka-“graduate” na pamilya.

Hinihikayat ni OIC RD Gunio ang lahat ng benepisyaryo ng Pantawid Pamilya huwag huminto sa pagsisikap, bagkus ay lalong palawigin ang pagbabagong puno ng pag-asa at liwanag tungo sa kanilang pag-unlad.

Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay isang programa ng DSWD na nagbibigay ng kondisyonal na tulong-pinansiyal para sa pinakamahihirap na Pilipino upang pabutihin ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0 hanggang 18 taong gulang. ###

Loading