“Taon-taon akong tinutulungan ng DSWD.”

-Clifford Fronda

Inalala ni Clifford Fronda, 36 taong gulang, ang taong 2012 kung kailan sana siya’y nakatakdang magtapos ng kolehiyo. Ngunit, ilang buwan bago siya makapag-martsa, nakatanggap siya ng hindi inaasahang balita, siya ay napag-alamang mayroong stage 5 Chronic Kidney Disease.  

Pag-amin ni Fronda, 3rd year college noong nakararanas siya ng mga sintomas gaya ng pagtaas ng altapresyon at pag atake ng epilepsy o seizure. Nang ipasuri ito sa doktor, napag-alamang mataas ang kanyang creatinine content at nagsisimula nang humina ang kanyang kidney. Anim na buwan pa ang nakalipas bago nakapagpa-dialysis si Fronda dahil nanghingi pa sila pangalawang opinion sa National Kidney and Transplant Institute  sa Maynila, kung saan lumabas din ang parehong resulta.  

Kasama ni Fronda ang kanyang ina at dalawang kapatid. Ang kanyang ina ay isang tour guide at aminadong hindi sapat ang kinikita para sa pang dialysis ni Fronda.  Ayon sa doktor, panghabang buhay na gamutan para sa kalagayan niya. Bukod sa maintenance na nireseta ng doktor, nagbabakasakali siya na balang araw ay makakatanggap siya ng kidney transplant upang mapabuti ang kanyang kalagayan at tuluyan na itong gumaling. Ngunit hanggang ngayon, hinihintay pa rin nila ang tawag mula sa National Kidney Institute. Subalit, natuklasan nilang nasa ika-100 sa pila ang pangalan ni Fronda para sa  mga makatatanggap ng donasyon ng kidney.

“Wala pa akong idea na pwede palang humingi ng tulong sa DSWD para sa dialysis” ani niya.

Napag-alaman ni Fronda sa mga kapwa niyang pasyente na maaari siyang humingi ng tulong sa DSWD. Sa pamamagitan ng isang guarantee letter mula sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS, nabigyan ng tulong pinansyal si Fronda para sa kanyang pang-dialysis. 

Ang Assistance to Individuals in Crisis Situation ay isa sa mga programa ng DSWD na tumutulong maibsan ang kahirapan na nagbibigay ng agarang suporta sa mga nangangailangan ng tulong pinansyal para sa medikal na pangagailangan, transportasyon, pagkain, edukasyon, at burol. Sa tulong ng guarantee letter mula sa AICS ng DSWD, nabawasan ng 3,200 Piso ang buong bayarin ni Fronda sa pagpapa-dialysis. Ngayon, halos nasa 650 Piso na lamang ang kanyang binabayaran.

Ayon sa Revised guidelines on the Implementation of Assistance to Individuals in Crisis Situation, nakasaad sa probisyon ng tulong medikal na isang beses lamang sa kada tatlong buwan maaaring makakuha ng tulong pinansyal mula sa DSWD. Para kay Fronda, malaking tulong na ang makatanggap siya ng  tulong pinansyal mula sa DSWD. Dagdag ni Fronda, “Naka-ugalian na naming takbuhan (DSWD). Kasi ang Philhealth namin, yung 90 percent ay  nagagamit lang siya ng 9-10 months. Depende. Yung ibang member naman kapag naco-confine, hindi na umaabot sa Philhealth kaya tumatakbo kaagad sa DSWD.” 

Maliban sa DSWD, isa mga malaking tulong sa kaniyang pag-papagamot ay ang ang pagbuo ng samahan ng mga dialysis patients, ang MMG Dialysis group. Layunin nito ang mas mabigyan ng magandang serbisyo ang mga katulad niyang sumasailalim ng dialysis. Saad ni Fronda, pinangunahan niya ang pagbuo ng grupo dahil naawa siya sa ibang mga pasyente na walang kakayahan na magbayad ng pang dialysis. Dito, nagsasagawa sila ng mga meeting, Christmas parties, mga programa at pagtitipon. 

“Taon-taon akong tinutulungan ng DSWD.” Kaagapay na ni Fronda ang DSWD simula pa noong taong 2014.  Aminado siyang malaki ang naitulong ng DSWD sa kanyang pagpapagamot dahil bukod sa nabawasan ang gastusin ng kanyang pamilya, hindi na nila kinakailangan pang mag cash-out sa tuwing siya ay mag papa-dialysis. Hindi lamang si Fronda ang naabutan ng tulong ng DSWD, kundi maging ang iba pang mga miyembro ng MMG Dialysis group. “Masaya at natutuwa kami kasi syempre, ang pera hindi naman basta-basta yan.”

Saad ni Fronda, “Laban lang” dahil hangga’t nariyan ang DSWD, nabibigyang inspirasyon ang mga katulad ni niya na kumapit at patuloy na lumaban. 

 

 

###

 

Loading