Isa si Mamerta Sim sa 86 Senior Citizens sa Brgy. Cambunang, Bulalacao, Oriental Mindoro na nakatanggap ng PhP 3,000 ayuda sa ilalim ng Social Pension Program. Pinangunahan ng tanggapan ng MSWD Bulalacao ang pamamahagi.

Upang patuloy na makatulong sa pangangailangan ng mga Senior Citizen sa gitna ng implementasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa bansa, nagsimula na ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng programang Social Pension sa rehiyon ng MIMAROPA.

 

Ngayong araw, Abril 30, may kabuuang bilang nang 6,956 na benepisyaryo na ang nakatanggap ng ayuda para sa unang semester ng taon na katumbas ng PhP 3,000 o PhP 500 kada buwan.

Sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at Philippine National Police, isinagawa ang pagbabahay-bahay upang personal na maipaabot ang ayuda sa mga benepisyaryo.

“Base sa Memorandum Circular No. 4, series of 2020, ang payout sa mga kwalipikadong social pensioner ay dapat maisagawa sa loob ng 7-10 araw mula sa pagkakatanggap ng pondo ng LGU,” sabi ni Social Pension Focal Person Lordessa Gilera.

Ayon kay Gilera, ginagawa pa rin ng DSWD at ng mga lokal na pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang maiparating ang ayuda sa mga social pensioner sa rehiyon.

Ang Social Pension program para sa mga mahihirap na Senior Citizen ay dagdag na tulong ng pamahalaan sa halagang 500 piso kada buwan na naglalayong makatulong sa pang-araw-araw na gastusin at pangangailangang medikal ng mga nakatatanda.###

Loading