Bilang bahagi ng adbokasiya nitong palakasin ang pamilyang Pilipino, ang National Committee on the Filipino Family (NCFF), na pinangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay inaanyayahan ang publiko na ipagdiwang ang National Family Week sa Setyembres 21-27, 2020 na may temang “Tungo sa Maginhawa, Matatag at Panatag na Pamilyang Pilipino.”
Ang National Family Week ay taunang pagdiriwang tuwing ikaapat na linggo ng Setyembre alinsunod sa Presidential Proclamation No. 60 na inilabas noong Setyembre 28, 1992.
Para sa taong ito, ang selebrasyon ay may sub-temang, “Mapagkalingang Pagtugon at Proteksyon sa Bawat Pamilyang Pilipino Mula sa Mga Suliranin sa Gitna ng Pandemyang COVID- 19.” Binibigyang diin nito ang kahalagahan ng pagbibigay sa mga pamilyang Pilipino ng mapagkalingang tugon mula sa mga suliraning pang-ekonomiya at proteksyon mula sa karahasan bunga ng krisis na idinulot ng COVID-19.
Ang sub-tema ay isa ring apela sa lahat ng mga ahensya ng pamahalaan at mga pribadong organisasyon na ipagpatuloy ang pagganap sa mga gawain na nagpapalakas at nagsusulong ng pagkakaisa at katatagan ng pamilyang Pilipino, lalo pa at ang sektor ng pamilya ay nahaharap sa maraming mga problemang panlipunan sa gitna ng krisis. Kabilang sa mga ito ang hindi nakaplanong pagbubuntis, pagkawala ng trabaho at kabuhayan, mga problemang pangkalusugang pangkaisipan, at karahasang batay sa kasarian, at iba pa.
Opisyal na magsisimula ang pagdiriwang ng National Family Week sa Setyembre 21 sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga kampanilya na tinatawag na “Ring a Family Bell” sa ganap na ika-9:00 ng umaga sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno. Ang pagpapatunog ng kampanilya ay sumisimbolo sa kamalayan at pangako na gunitain ang pagkakaisa at pagbubuklod-buklod ng pamilyang Pilipino. Magkakaroon din ang isang virtual kick-off ang DSWD na ipapalabas sa Facebook page nito.
Bilang suporta sa selebrasyon ng Family Week, ang Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (LDS), isa sa mga aktibong miyembro ng NCFF, ay magsasagawa ng isang online Interfaith Family Forum sa Setyembre 23 na tatalakay sa iba’t-ibang mga isyu na kinakaharap ng pamilya.
Samantala, isang webinar naman ang isasagawa sa Setyembre 24 ng City of Manila, ang host local government unit ng 28th National Family Week, sa pakikipagtulungan sa Philippine Educational Theater Association (PETA). Ang webinar ay tungkol sa pagpapalakas ng pamilya sa pamamagitan ng responsible parenting at positive discipline.
Sa September 26 naman ay mag-oorganisa ang Commission on Population (POPCOM) ng isang talk show na pinamagatang, “Usap Tayo sa Family Planning.” Ito ay tatalakay sa mga ibat-ibang pamamaraan ukol sa pagpaplano ng pamilya upang tumulong ma-address ang isyu ng uplanned pregnancies sa quarantine period. Ang POPCOM ay isa rin sa mga aktibong miyembro ng NCFF.
Bukod sa mga aktibidad na ito, ang NCFF ay gagamit din ng iba`t-ibang mga online platforms upang bigyang-diin ang pagdiriwang ng Family Week at upang itaguyod ang pagpapalakas at pagbibigay-proteksyon sa pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng #ProtekadongPamilyaSaCOVID-19 social media campaign.
Gamit ang hashtag, ang mga miyembro ng NCFF ay maglalabas sa kani-kanilang social media accounts ng mga paraan kung paano mapapanatiling ligtas, protektado, at buo ang pamilya sa gitna ng pandemya; at kung paano nila tinutulungan ang mga pamilyang Pilipino na makayanan ang mga epekto ng krisis sa kanilang buhay.
Araw ng Kainang Pamilya Mahalaga
Inaanyayahan din ng NCFF ang mga pamilyang Pilipino sa buong bansa na ipagdiwang ang Araw ng Kainang Pamilya Mahalaga, isang taunang pagdiriwang na ginaganap tuwing ika-apat na Lunes ng Setyembre alinsunod sa Presidential Proclamation No. 326, serye ng 2012.
Ang espesyal na araw ay ipinagdiriwang kasabay ng taunang selebrasyon ng Family Week. Ito ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng common family meal o ang pagkain nang sama-sama ng mga pamilya upang hikayatin ang mga magulang na manatiling konektado sa kanilang mga anak at maunawaan ang mga hamon na kinakaharap nila.
Ang pagkakaroon ng common family meal ay nagbibigay din ng pagkakataon na mapagtibay ang komunikasyon ng pamilya at nagsisilbing lugar kung saan ang mga miyembro ay maaaring ipahayag ang kanilang saloobin sa bawat isa at magbahagi ng mga positibong karanasan ng kasiyahan at pagmamahal.
Bilang pangunahing ahensya sa kagalingang panlipunan at bilang Chair ng NCFF, ang DSWD ay kinikilala ang kahalagahan ng pagpapalakas at pagsusulong ng pagkakaisa ng pamilya na bumubuo sa isang matatag at nagkakaisang lipunang Pilipino.
Ang Kagawaran, kasama ang lahat ng mga kasapi ng NCFF, ay patuloy na magtutulungan upang maitaguyod ang mga magagandang katangian ng pamilyang Pilipino at upang suportahan at palakasin sila na makayanan ang maraming mga isyu at hamon na kanilang kinakaharap, lalo na sa gitna ng pandemya, upang makabangon sila mula sa krisis bilang isang mas malakas na yunit. ###