Sa kabila ng dagok na dulot ng magkasunod na bagyong Tisoy at Ursula, at ng pandemyang dala ng COVID19 na bumago sa takbo ng pamumuhay ng mga Pilipino, mga butil ng bigas ang patuloy na nagbibigay ng pag-asa sa labindalawang (12) miyembro ng Dos Poblacion SLP Association sa Calintaan, Occidental Mindoro.

 

Mga kasapi ng Dos Poblacion SLPA kasama si Marc Binalangbang, Project Development Officer ng SLP

 

Ang Dos Poblacion SLPA ay isa lamang sa mga samahang nabuo sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development MIMAROPA noong taong 2018. Bago pa man mabuo ang asosasyon, may kani-kaniyang pinagkakaabalahan ang bawat kasapi tulad ng pag-aalaga ng apo sa kanilang mga tahanan. Ang ilan naman, bagama’t may edad na, ay nagsusumikap pa ring mag-hanap buhay upang makatulong sa pamilya. Ngunit hindi pa rin ito nakasasapat sa  mga biglaang pangangailangan tulad ng pagkakasakit.

 

Sa ngayon, ang halagang Php180,000.00 na kanilang natanggap bilang panimula sa proyektong Sitiong Bigasan ay naging daan upang palaguin ng samahan ang kanilang kabuhayan. At sa kabila ng mga pagsubok ay nagsusumikap parin silang mapagyabong ang kanilang nasimulan sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na oras at dedikasyon sa kanilang proyekto. Inspirasyon ng bawat miyembro ang magkaroon ng sariling kabuhayan upang mas mabigyan nila ng maayos na pamumuhay ang kanilang pamilya.

 

Isa sa mga natutunan ng mga miyembro ay ang maayos na pakikisama sa kapwa kasapi ng asosasyon. “Natutunan po namin na mas mapaigting ang aming pagkakaibigan sa bawat miyembro na kung ituring namin ang isa’t isa ay parang magkakapatid.” ayon kay Nanay Leonida Andico, naitalagang ingat-yaman.

 

Natuto akong magpalakad ng tindahan at magkaroon ng kaalaman sa pagtatala ng kita sa maayos na paraan”. Dagdag pa Eliza Mondia, pangulo ng asosasyon.

 

Nais ng Dos Poblacion SLPA na makilala bilang isa sa mga matagumpay na asosasyon sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD at maging inspirasyon sa lahat ng benepisyaryo ng programa. Lubos ring nagpapasalamat ang bawat miyembro sa kanilang masisipag na opisyales na patuloy na nagsusumikap na maisaayos ang bawat problemang kanilang kinakaharap.

###

 

 

 

Loading