MALATE, Manila—Nakatakdang magsagawa ng balidasyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa paunang talaan ng mga mahihirap na natukoy ng Listahanan sa limang probinsya ng MIMAROPA.
Ang Listahanan ay opisyal na mekanismo ng pamahalaan upang kilalanin at tukuyin kung sino at nasaan ang mahihirap na sambahayan sa bansa. Ito ay sistemang bukas at maaring gamitin ng pambansang ahensyang nagpapatupad ng mga programa at serbisyong nakatuon sa mga mahihirap.
Ayon sa resulta ng 2019 Listahanan Household Assessment, umabot sa 590, 205 na sambahayan ang naitasa ng DSWD MIMAROPA sa mga probinsya ng Occidental at Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan.
“Isasagawa ang Listahanan validation activities ngayong Oktubre na inaasahang magtatapos sa buwan ng Disyembre kung saan ipapaskil ang paunang talaan ng mahihirap kada barangay,” ayon kay DSWD OIC- Regional Director Purificacion Arriola.
Magpapalabas ng opisyal na anunsyo ang Departamento kung kailan ipapaskil ang nasabing paunang listahan sa mga barangay hall kung saan laman nito ang mga pangalan ng mga household head ng mga natukoy na mahihirap na sambahayan.
Ito ay bahagi ng proseso ng Listahanan kung saan binibigyan ng pagkakataong mainterbyu ang mga sambahayang hindi napasama. At sa pagkakataong ito bukas ang paunang talaan ng mga natukoy na mahihirap sa publiko upang umapela at siyasatin kung tama ang mga nakalistang pangalan ng mga naitalang mahihirap.
“Hinihikiyat namin ang publiko na makibahagi at tingnan kung tama at kumpleto ang paunang talaan ng mga mahihirap,” dagdag pa ni Arriola.
Ang DSWD ay magtatalaga ng isang araw kada barangay para tanggapin ang mga katanungan o reklamo sa pamamagitan ng community desk.
Paalala ng DSWD sa mga magrereklamo na magdala ng identification card o anumang katibayan ng pagkakakilanlan para mapangalagaan ang kanilang personal at sensitibong impormasyon alinsunod sa Data Privacy Act of 2012.
Para sa mga hindi makakapunta sa itinalagang community desk, maaring maghain ng reklamo online, ayon kay Arriola.
Hanapin lamang ang Validation Search Application ng Listahanan sa link na ito: https://listahanan.dswd.gov.ph/grievance/. Ibigay ang impormasyong hinihingi at sundin ang prosesong nakasaad para sa online na paghain ng reklamo.
“Ang mga reklamong matatanggap ay isasailalim sa masusing deliberasyon ng Barangay Verification Team o BVT at Local Verification Committee o LVC,” sabi ni Arriola.
Ang Barangay Verification Team na kinabibilangan ng mga opisyales ng barangay at representante ng Civil Society Organization (CSO), ang siyang mangunguna sa pagsuri sa katotohanan na mga apela o reklamong natanggap. Samantalang ang Local Verification Committee na kinabibilangan ng mga opisyales ng lokal na pamahalaan at representante ng CSO, ang siyang magbibigay resolusyon sa mga apela o reklamong inindorso mula sa barangay o BVT.
Paglilinaw ni Arriola na ang mga sambahayang hindi nainterbyu noong kasagasagan ng pagbabahay-bahay ay kinakailangang interbyuhin. Samantalang ang ibang reklamo ay nakabatay sa desisyon ng BVT at LVC kung kinakailangang balikan o muling isailalim sa household assessment.
Panawagan ng opisyal ng DSWD sa publiko na sa panahon ng pagtatala ay magbigay ng kumpleto at makatotohanang datos at magsumbong kung may iregularidad sa pagsasagawa ng pagsusuri sa pamamagitan ng Listahanan textline number: 09189122813 at 09178902327 at official Facebook Page: www.facebook.com/listahanan.official.###