Ipinaskil ng nakatalagang Listahanan Area Supervisor sa bayan ng Torrijos, Marinduque ang listahan ng mga mahihirap sa isang barangay bulletin board para makita ito ng publiko.

MALATE, Manila– Nakapaskil na sa mga barangay sa rehiyon ng MIMAROPA ang pangalan ng mga natukoy na mahihirap ayon sa isinagawang malawakang pagbabahay-bahay o interbyu ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng LISTAHANAN noong 2019.

Bahagi ng proseso ng DSWD LISTAHANAN ang pagsasapubliko ng paunang talaan ng mga mahihirap upang makita ng komunidad at maberipika at maitama ang datos ng mga natukoy na mahihirap na sambahayan, pamilya at indibidwal.

Ang LISTAHANAN ay ang opisyal na pamamaraan ng pamahalaan upang kilalanin at tukuyin ang mahihirap na sambahayan sa bansa.

“Sa panahon ng balidasyon, binibigyan ng pagkakataon ang  publiko na umapela at magreklamo kung sa kanilang pananaw ay nararapat silang mapabilang sa talaan ng mahihirap,” pahayag ni DSWD MIMAROPA OIC-Director Purificacion R. Arriola.

Ang mga hindi nainterbyu noong taong 2019 na naniniwalang mahirap ay binibigyan din ng pagkakataong mapasama sa LISTAHANAN.

Ang mga pangalang napabilang sa listahan ng mga mahihirap ngunit hindi naman karapatdapat ay maaari ring ireklamo.

Ang mga kawani ng DSWD ay magtatalaga ng araw para sa pagtanggap ng mga reklamo katuwang ang Barangay Local Government Unit.

“Kami po ay magtatakda ng isang araw kada-barangay para tanggapin ang inyong mga reklamo, apela o katanungan hinggil sa listahan ng mga mahihirap na nakapaskil, pangungunahan ito ng aming nakatalagang kawani. Siguraduhing ang mga magrereklamo ay magdala ng identification card (ID) o birth certificate para maproseso ang inyong reklamo,” ayon kay Arriola.

Paglilinaw din ni Arriola na ang mga pangalang kasalukuyang nakapaskil sa mga barangay ay hindi listahan o payroll ng mga benepisyaryo na tatanggap ng pera o ayuda mula sa DSWD tulad Unconditional Cash Transfer (UCT) Program at iba pang serbisyo o programa ng gobyerno.

Sinisiyasat ng lalaking ito ang listahan ng mahihirap sa kanyang barangay.

“Kung napasama sa paunang talaan ng mahihirap, hindi rin awtomatikong mapapasama sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps,” dagdag ni Arriola.

Ang resulta ng LISTAHANAN ay ginagamit ng pamahalaang nasyonal sa pagpili ng mga potensyal na benepisyaryo  para sa mga programang nakatuon sa mahihirap alinsunod sa Executive Order 867 series of 2010.

Samantalang ang lahat ng mga aktibong miyembro ng 4Ps ay kinakailangang maitala sa LISTAHANAN. ###

Loading