Saan aabot ang Php100.00 mo?
Halina’t bisitahin ang Mama Bonn’s Chaolong na matatagpuan sa Brgy. Sandoval sa Narra. Sa halagang hindi aabot ng Php 100.00 ay maaari mo ng matikman ang iba’t ibang meryendang hindi tinipid sa rekado at pasado sa panlasang Palaweño. Isa na dito ang sikat na putahe ng Palawan na nagmula pa sa kulturang Vietnamese na lumaganap sa Pilipinas noong 1970’s na Chao Long o Vietnamese Pho.
Ang Chao Long ay nagmula sa Saigon, Vietnam. Ito ay isang putahe na maihahalintulad sa nakasanayang bulalo ng mga Pilipino. Matapos ang Vietnam War noong 1975, napadpad ang mga Vietnamese refugees sa Pilipinas upang takasan ang gulo at sa paglaki ng kanilang komunidad ay nagsimula din ang paglitaw ng mga kainan na nagbebenta ng mga pagkain na hango sa kanilang kultura.
Ang Mama Bonn’s Chao Long ay pagmamay-ari ni Ms Bonnavie Bondoc, isang solo parent at kabilang sa pangkat ng mga Tagbanua. Dating OFW si Ms. Bonnavie sa Dubai noong taong 2018. Makalipas ang walong (8) buwan ay napilitan siyang tumakas mula sa kaniyang amo dahil sa kakulangan ng pagkain at pahinga sa kaniyang trabaho, dagdag pa ang kaniyang lubos na pangungulila sa kaniyang pamilya.
Sa kaniyang pagbabalik, sinubukan niyang magluto ng iba’t ibang pagkain na ibinahagi niya sa Facebook at inalok sa mga kakilala. Ito ang naging simula ng paglago ng kaniyang negosyo at pagkakaroon sariling Chao Long House.
Taong 2020 naman ay inilunsad ng DSWD Sustainable Livelihood Program (SLP) ang Livelihood Assistance Grant (LAG) kung saan umabot sa halagang Php 2,332,500.00 ang tulong pinansiyal na naipamahagi sa Nara, Palawan. Bilang isa sa recovery response ng ahensya, layong ng LAG na magiging daan sa pagbangon muli ng mga maliliit na negosyong naapektuhan ng umiiral na COVID-19 pandemic.
Isa si Bonnavie sa 319 na indibidwal na sumailalim sa assessment at nakatanggap ng LAG noong Oktubre, 2020. Ang tulong pinansiyal na kaniyang natanggap ay naging dagdag puhunan upang makapagbenta pa siya ng ibang pagkain bukod sa Chao Long tulad ng French Bread.
“Maraming salamat po uli sa DSWD SLP para sa livelihood program na ito na talaga namang nakakatulong po sa tulad naming nagsisimula sa aming negosyo gamit ang napakaliit na puhunan.Sinamahan lang ng sipag, tiyaga, diskarte at pakikisama sa aking mga sukiloves. Iningatan at pinagsusumikapan ko po itong mapalago.” pahayag ni Bonnavie.
Dahil sa negosyong Mama Bonn’s Chaolong ay natutustusan na ni Bonnavie ang kanilang mga pang-araw araw na pangangailangan kasama na ang pag-aaral ng kaniyang tatlong (3) anak. Ngayon, baon ang sapat na determinasyon at suporta ng kaniyang pamilya ay hindi na niya kakailanganin pang makipag-sapalaran sa ibayong dagat.
###
Contributor: Kent Irish B. Dondonayos -SLP PDO II