May kabuhayan sa kawayan!

Iyan ang pinatunayan ng isang grupo ng mag-aaral sa Mamburao, Occidental Mindoro na ang pangunahing pinagkakakitaan ay mga likhang kamay na gawa sa kawayan. 

Sina Francing Mallorca Madali  at John Amoyan ay mga mag-aaral ng Occidental Mindoro State College na kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Business Administration ang nasa likod ng negosyong Habamboohay Handicrafts. Kawayan ang napiling materyales ng grupo dahil sa saganang suplay nito sa kanilang lugar at malawak na pagpipilian ng mga disenyo na maaaring gawin mula dito. Bukod doon ay maaari ding pamalit ang kawayan sa ibang sikat na hardwood lumbers na ginagamit paggawa ng mga kasangkapan sa bahay.

Taong 2018 nang simulan ni Francing ang kanyang simpleng hanapbuhay hanggang sa naging katuwang niya ang ilang kapwa mag-aaral upang magkaroon ng dagdag kita para sa pangangailangan nila sa paaralan. Ayon kay Francing, nagsimula ang Habamboohay Handicrafts dahil sa kanyang interes sa paggawa ng iba’t ibang palamuti. Ang kanyang mga likha ay umabot din sa kanilang college trade fair at nanalo ng unang karangalan. Doon nagsimulang umigting ang interes ni Francing kasama ang iba pang kasapi ng Junior Operations Executive Society na palawigin ang kanilang negosyo hanggang sa umabot ito ng pagsusuplay ng mga orders na nagmula pa sa Maynila at iba pang karatig na lugar.

Sa murang edad ay mulat na ang isipan ng mga kabataan sa pagkakaroon ng produktibong  hanapbuhay na makatutulong hindi lamang para sa kanila kung hindi na rin pati sa kanilang komunidad. Naging daan din ang Habamboohay Handicrafts na maipagmalaki ang kanilang pagiging malikhain at paggamit ng mayamang supply ng kawayan sa kanilang lugar. 

Hindi naging madali ang daan sa pagbuo ng Habamboohay Handicrafts dahil kasabay nito ang pag-aaral nina Francing. Naging mahalaga din ang tamang paghahati-hati ng kanilang mga oras  sa mga aralin, negosyo at iba pang responsibilidad sa pamilya. Matinding dedikasyon din ang kanilang inalay sapagkat masusi ang bawat proseso sa paggawa ng mga handicrafts na kanilang binebenta. Isang malaking dagok din sa grupo nang magdeklara ng malawakang community quarantine sa bansa noong nakaraang taon dahil sa COVID-19 pandemic dahil napilay nito ang turismo sa Occidental Mindoro at naging mahirap din ang pagpapadala  ng mga produkto paluwas ng Maynila at iba pang lugar dahil sa mga paghihigpit ng lokal na pamahalaan sa mga biyahe. 

Pero hindi ito naging hadlang upang maipagpatuloy ang Habamboohay Handicrafts, lalo na ng mapasama si Francing at John sa 300 na kwalipikadong benepisyaryo ng Livelihood Assistance Grants (LAG) ng DSWD Sustainable Livelihood Program (SLP). Gamit ang natanggap na LAG noong February 5, 2021, bumili sila ng ilang mga materyales upang maipagawa ang production facility ng kanilang negosyo. Dahil dito mas napabilis ang paggawa ng kanilang mga likhang souvenir items tulad ng alkansya, pen holders, keychain, at iba pa. Sa kabuuan, umabot sa  Php 2,630,000.00 ang halaga ng tulong pinansyal na naipamahagi ng DSWD SLP sa munisipalidad ng Mamburao para sa mga tulad nina Francing nagnanais magkaroon ng produktibong negosyo sa kabila ng umiiral na pandemya. 

Sa kabilang banda, balak ng samahan na sa loob ng apat hanggang limang taon ay mas lumawak pa ang operasyon ng Habamboohay Handicrafts at magkaroon ng mas mataas na kalidad ng mga produkto at magkaroon ng iba’t ibang sangay sa Occidental Mindoro.

Para sa mga nais bumili ng mga produkto, magtungo lamang sa facebook.com/Habamboohay-102955725131666 o kaya’y makipag-ugnayan sa numerong 09655078825.

Mula sa PagSibol, Hanggang sa PagSulong!

 

Francing Madali Mallorca at John Amoyan ng Habamboohya Handicrafts

 

Customized Pen Holder na gawa mula sa kawayan

 

Mga Bamboo Souvenir Keychains

 

 

 

 

 

Loading