Isang residente sa bayan ng Magsaysay, Occidental Mindoro ang naghain ng kanyang reklamo sa nakatalagang Area Supervisor upang mapasama sa LISTAHANAN database.

MALATE, Manila— Umabot sa 262,718 ang kabuuang bilang ng mga reklamong  natanggap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa rehiyon ng  MIMAROPA tungkol sa paunang talaan ng mga mahihirap na inilabas ng LISTAHANAN  ayon sa resulta ng 3rd Round Household Assessment noong 2019. 

Kabilang dito ang nasa 87,699 sambahayang nagsasabing hindi sila nainterbyu  (Exclusion Grievance 02) noong malawakang pagbabahay-bahay ng LISTAHANAN o  data collection phase. At ang 122,114 sambahayang naghain ng kanilang apela  (Exclusion Grievance 01) dahil sila ay lumabas na hindi mahirap ngunit naniniwalang mahirap  pa rin. 

Samantala, 2,426 naman ang lumipat ng tirahan (Transfer 01); at nasa 37,327 ang mga kaso ng  nagpaayos ng detalye ng kanilang datos (Error 01 at 03) gaya ng maling spelling ng mga pangalan;  pagdagdag at pagbawas ng mga miyembro ng kanilang sambahayan. 

Nasa 75 sambahayan naman ang inireklamong lumabas na mahirap (Inclusion Grievance  01) sa paunang talaan ngunit sinasabing hindi naman mahihirap. 

Matatandaang ipinaskil ng DSWD ang mga pangalang unang lumabas na mahihirap sa  sa mga barangay hall sa buong rehiyon bilang bahagi ng balidasyon. 

Ang pagtanggap ng mga reklamo ay bahagi ng proseso ng LISTAHANAN Validation  Phase kung saan bukas sa publiko ang paunang talaan ng mga natukoy na mahihirap.  Sa panahong ito binibigyan ng oportunidad ang lahat na siyasatin ang mga pangalan na  unang lumabas na mahihirap at ang pagkakataong umapelang mapasama sa nasabing  talaan lalo na ang mga naniniwalang mahirap at hindi nainterbyu. 

Isinagawa ang balidasyon ng mga mahihirap simula Nobyembre 2020 hanggang Pebrero  2021 na pinangunahan ng 103 Area Supervisor na nakatalaga sa mga bayan ng  MIMAROPA. Ang pagtanggap ng mga reklamo ay sa pamamagitan ng mga itinalagang  community desk kada barangay katuwang ang mga lokal na opisyales. 

Paglilinaw ng DSWD na ang mga reklamo at apela partikular ang Exclusion 01 at  Inclusion 01 ay sumailalim sa masusing deliberasyon ng mga Barangay Verification Team o BVT at Local Verification Committee o LVC para siyasatin ang katotohanan nito. 

Ang BVT  na kinabibilangan ng mga kapitan at mga kagawad nito at ilang representante  ng Civil Society Organization (CSO), ang siyang mangunguna sa pagsuri sa katotohanan  na mga apela o reklamong natanggap gamit ang DSWD Grievance Evaluation Tool. At  ang LVC na kibibilangan ng mga mayor at kinatawan ng Local Social Welfare and  Development Office at Local Planning and Development Office at representante ng CSO,  ang siyang nagbigay resolusyon sa mga reklamong inindorso mula sa barangay o BVT. 

Ang mga reklamong inaprubahan ng LVC ay muling sumailalim sa household assessment o interbyu. Samantalang ang mga kaso ng Exclusion 02 ay awtomatikong  sumailalim sa interbyu. 

Sa kasalukuyan, ang mga nakalap ng datos mula sa katatapos lang na balidasyon ay  nasa proseso ng encoding para sa Proxy Means Testing o PMT. 

Ang PMT ay isang estadistikang pamamaraan kung saan tinataya ang kita ng isang  sambahayan gamit ang panghaliling batayan o proxy variables na nakapaloob sa  LISTAHANAN household assessment form gaya ng laki ng pamilya, trabaho, edukasyon  ng bawat miyembro, mga ari-arian at marami pang iba. 

Ang tinatayang kita mula sa resulta ng PMT ay ibinabangga sa poverty threshold ng isang  probinsya. Ang poverty threshold ay ang opisyal na itinakdang kita ng bawat pamilyang  Pilipino ayon sa Philippine Statistics Authority. Ang sambahayang may kitang mas  mababa sa poverty threshold ay itinuturing na mahirap samantalang ang may kitang  lagpas o hindi bumaba sa poverty threshold ay itinuturing na hindi mahirap. 

Ang LISTAHANAN ay ang opisyal na mekansimo ng pamahalaan para kilalanin kung  sinu-sino at nasaan ang mahihirap sa bansa. ###

Loading