Nakatakdang maging kauna-unahang producer at supplier ng Fry Fingerlings ang Baruyan Fish Pond Operators ng Sustainable Livelihood Program sa buong MIMAROPA matapos ang matagumpay na pakikipag-ugnayan ng programa sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Malaki ang kakulangan ng rehiyon sa mga fingerlings o mga semilya na nagiging bangus at tilapia kung kaya’t inaangkat pa ito mula sa lalawigan ng Saranggani. Ngunit sa tulong ng iba’t ibang interbensyon na ipinagkaloob sa samahan, ang BFO SLPA na ang magiging pangunahing supplier ng mga ito para sa mga mangingisda ng MIMAROPA.
Nabuo ang Baruyan Fish Pond Operators SLPA ng Brgy. Baruyan, Calapan, Oriental Mindoro noong 2019 na may 25 na kasapi. Nagsimula ang samahan sa pamamagitan ng paggamit ng tulong pinansyal ng programa na nagkakahalaga ng Php 375,000.000. Ginamit nila ito upang umupa ng isang maliit na fishpond sa kanilang komunidad at magparami ng fry fingerlings.
Sa tulong ng BFAR ay naipagkaloob sa samahan ang mga kagamitang may mataas na kalidad na makatutulong sa proyekto tulad ng motorboats, at PVC. Kasama na din dito ang mga libreng fingerlings at iba’t ibang pagsasanay kaugnay sa pagpapadami ng mga ito. Nilagdaan din ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng DSWD at BFAR upang patuloy na makapgbigay ng interbensyon sa mga kasapi ng BFO SLPA. Ito ay bunga ng patuloy na pakikipag-ugnayan ng SLP sa iba’t ibang tanggapan upang mapaunlad ang mga opurtunidad na nakukuha ng mga benepisyaryo.
Hindi naman naging madali sa samahan ang pagharap sa mga hamon na dala ng kasalukuyang umiiral na COVID-19 pandemic at pagsalanta ng iba’t ibang bagyo sa kanilang lalawigan noong nakaraang taon. Dahil dito pansamantalang naisantabi ang kanilang profit sharing dahil nalimitahan din ang pagbebenta ng mga produkto sa kanilang komunidad. Hindi naman nagtagal ay unit-unting nakabangon ang BFO SLPA at nanumbalik na sa normal ang kanilang operasyon.
Noong Enero, nagkaroon ng pagpupulong ang samahan kasama si Henry Laguerta Dris na kapitan ng Brgy. Baruyan, , Ms. Emma Pumida SLP PDO II at Ms. Florefe Dimaala, SLP Provincial Coordinator, upang talakayin ang pagkakaroon ng kontrata sa may-ari ng apat na ektaryang fishpond na kanilang gagamitin sa fingerlings production. Kalauna’y naisakatuparan din ang paglilipat ng mga fingerlings mula sa maliit na fishpond sa mas malaking palaisdaan kung saan mas mapararami ang mga ito. Sa ngayon ay mayroon na ding king crab, sugpo, bangus at red tilapia na pinararami ang samahan.
“Maraming pong salamat sa DSWD. Sana ay patuloy kaming suportahan at turuan pa sa teknikal na pamamaraan para umunlad ang aming proyekto.” Pahayag ni Jerry Rosales na pangyulo ng BFO SLPA. Bukod dito, nagpahayag din ng pasasalamat ang samahan sa BFAR sa pangunguna ni ARD Roberto Cabrera para sa mga mahahalaga nitong kontribyusyon sa tungo sa tagumpay ng proyekto ng samahan.
Mula sa PagSibol, Hanggang sa PagSulong!
Contributor: Emma Pumida – Project Development Officer II