Marami ang nangangarap na makapagtrabaho sa ibang bansa para guminhawa ang kanilang buhay. Maraming kwento ang ating nababasa sa social media tungkol sa mga Overseas Filipino Worker. Minsan aakalain natin na ang buhay sa ibang bansa ay maganda at maginhawa dahil sa mga ngiti sa kanilang mga larawan. Ngunit, sa likod ng kanilang matatamis na ngiti ay may nakakubling hirap, kalungkutan at pangungulila sa kanilang mga mahal sa buhay. Ito ang kwento ng ating mga benepisyaryo na nagsakripisyo para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga mahal sa buhay.
Si Regene Rafol Ramiro at Maricel Uy Rubas ay tubong Taclobo, San Fernando, Romblon. Sila ay mga anak ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na sina Gng. Jenny R. Ramiro at Gng. Elizabeth Uy Rubas ayon sa pagkakabanggit. Noong February 2017, nagpahayag ng paanyaya ang Implementing Project Development Officer (IPDO) ng Sustainable Livelihood Program (SLP) na si Cristian De Ade na magbubukas ang pinto para sa mga nais makapag-abroad sa pamamagitan ng Employment Facilitation ng DSWD SLP. Agad na nakipag-ugnayan ang IPDO sa employment agency sa Batangas ukol rito. Nagbigay din ng pinansyal na tulong ang DSWD SLP para sa pagproseso ng mga kinakailangang dokumento at allowance para sa accommodation at pamasahe mula San Fernando, Romblon hanggang sa Maynila.
Si Regene Rafol Ramiro na 26 taong gulang ay isang single mother sa kanyang tatlong taong gulang na anak. Siya ay kabilang sa ginabayan ng DSWD Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa pamamagitan ng conditional cash transfer noong siya ay nag-aaral pa. Siya ay nakapagtapos ng Computer Programming sa Romblon State University at nakapagtrabaho sa NRR Studio sa Mandaluyong City at sa Ever Gotesco naman bilang isang kahera. Kinumbinsi ng kanyang nanay na si Jenny Ramiro na magpalista para sa programa ng DSWD SLP employment facilitation kaya nagpasya si Regene na mag-resign sa kanyang trabaho upang i-proseso ang kanyang mga dokumento at ituloy ang pangarap na makapunta sa ibang bansa.
Ayon kay Regene, “Nagpapasamat ako kay God dahil binigyan niya ako ng mabait na employer at lakas ng loob para makapunta dito sa Saudi. At nagpapasalamat din ako sa mga staff ng DSWD SLP, sa tulong pinansyal para ma-proseso ang aking mga papeles at mapadali ang pag alis ko sa Pilipinas. Sa ngayon ay malaki na ang naitulong ko sa pamilya ko lalong lalo na sa mga kapatid ko na nag-aaral. Ganun din sa anak ko kahit pakonti-konti ay naipagawa ko ang aming bahay at nakapagpundar ako para sa aking pamilya.”
Noong May 2019, natapos ang kanyang kontrata at nakabalik na muli noong June 2019. Nakakapagpadala siya sa kanyang pamilya ng halagang Php 15,000.00 hanggang Php 20,000.00 para sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid na nag-aaral sa kolehiyo at high school. Ayon sa kanyang ina, malaking tulong ang pagtatrabaho ng kanyang anak sa ibang bansa dahil nakapag pundar sila ng isang tricycle na ginagamit ngayon ng kanyang asawa sa pamamasada at may naipon na din sila para sa kanilang negosyong Loading station. Ang tricycle at loading station ay tulong ni Regene sa kanyang mga magulang upang madagdagan ang kanilang kita.
Bago naging isang OFW si Si Maricel Uy Rubas, 26 taong gulang, siya ay nagtatrabaho bilang isang kasambahay sa Pasig City at sumasahod ng Php 4,000.00 kada buwan. Ang kanyang asawa naman na si Ronnie Rodriguez, ay nagtatrabaho bilang isang delivery boy sa isang meat shop sa Maynila pangtustos sa pangangailangan ng kanilang anak na apat (4) na taong gulang.
Nabigyan ng tulong pinansyal si Maricel para sa pag-proseso ng mga kailangan niyang dokumento at allowance na pamasahe patungong Maynila. Kalauna’y na-employ si Maricel bilang isang OFW noong May 2017. Natapos ang kanyang unang kontrata noong April 2019 ngunit napalawig pa ng dalawang taon sa Saudi Arabia.
Ayon kay Maricel “Sa ngayon, nakatulong na ako sa aking pamilya at patapos na ang pinapagawa kong bahay. Nagpapasalamat ako sa Panginoon sa pagbibigay ng lakas ng loob upang tahakin ang buhay OFW gayundin ang staff ng DSWD SLP na tumulong sa pag udyok sa akin at sa tulong pinansyal.”
Si Maricel ay nagpapadala ng halagang Php 15,000.00 hanggang Php 20,000.00 para sa pagpapatayo ng kanyang bahay na matatapos na ngayong taon. Nakatutulong din ang halagang kanyang pinapadala sa kanyang mga kapatid na nag aaral sa kolehiyo, high school at elementarya. Ang isang kapatid ni Maricel ay tinutulungan din nya sa pag apply abroad. “Malaki ang pagbabago ng aming buhay mula nang nakapagtrabaho si Maricel sa ibang bansa. Tinulungan din niya kami sa pagpapagawa ng bahay namin bukod sa pinapagawa niyang bahay. Malaking tulong din sa kanyang mga kapatid para sa pag aaral nila.” wika ng nanay ni Maricel na si Elizabeth.
“Walang magulang sa mundo ang nag hangad mangibang bansa para maiwasan ang kanilang anak. Kung alam mo lang ang kirot sa dibdib na unti unti kang lumalaki ng wala man lang silang nabubuong mga ala ala na kapiling sila.” dagdag pa ni Maricel
Pagpupugay sa Makabagong Bayaning Pilipino.
Bayani sa modernong panahon ang ating mga Overseas Filipino Worker (OFW). Ang paglayo sa kanilang mga mahal sa buhay, magtrabaho ng mabibigat na gawain sa ibang bansa upang mapaganda ang buhay, kalungkutan at homesickness, pag adopt sa iba’t- ibang kultura sa ibang bansa, ito ang ilan sa mga sakripisyo ng ating mga kababayan na kailangang mapagtagumpayan. Ang paglisan sa mahal na bayang Pilipinas kapalit ng oportunidad na kumita ng pera at makapagbigay ng pangunahing pangangailangan ng kani-kanilang pamilya at mabigyan ng magandang buhay. Nakikipagsapalaran araw-araw sa ibang bansa sa pangarap na magandang kinabukasan. Lahat sila ay may kanya kanyang nakakaantig na istorya. Ang kanilang paghihirap, maging ito man ay pisikal o emosyonal ay tunay na walang halaga.
Mula sa PagSibol, Hanggang sa PagSulong!
Contributor: Kennedy N. Salas – Project Development Officer II