MANILA City– Kasamang tumanggap si Listahanan Director, Atty. Justin Batocabe sa pagkilala sa National Household Targeting Section (NHTS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA bilang ‘Best Support Office’ para sa taong 2021.

Ang NHTS ay binigyan ng nasabing parangal bilang pagkilala sa kontribusyon nito sa pagpapatupad ng Listahanan, ang opisyal na talaan ng mahihirap sa rehiyon ng MIMAROPA.

Ang NHTS ay nanguna sa pagsasagawa ng adbokasiya para sa iba’t ibang sektor upang mapalawak ang implementasyon ng Listahanan sa limang probinsya ng rehiyon upang masigurong walang maiiwan sa kaunlaran.

Matatandaang una nang kinilala ang NHTS bilang national awardee ng Philippine Statistics Authority noong 2018 bilang ‘Best Statistical Activity Conducted by a Government Organization’ sa pagsasagawa nito ng anti-poverty symposium, media dialogues at statistical roadshows upang mas mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol sa Listahanan.

“Ang pagkilalang ito ay patunay ng mahalagang papel na ginagampanan ng Listahanan sa pagbibigay ng solido at makatotohanang datos ng mga mahihirap para sa pagpapatupad ng iba’t ibang panlipunang programa at serbisyo lalo’t higit sa panahon ng pandemya,” ayon kay Listahanan Regional Field Coordinator Ernie H. Jarabejo.

Ang nasabing pagkilala ay sa ilalim ng Regional Program on Awards and Incentives for Service Excellence o PRAISE. At tinanggap ang parangal kasabay ng pagdiriwang ng ika-71st Founding Anniversary ng DSWD MIMAROPA noong ika-8 ng Abril taong kasalukuyan.###

Loading